PRESS RELEASE
Public Information Office
June 15, 2010
Pormal ng binuksan sa publiko ang Bridge of Promise noong June 15 ganap na ika-dalawa ng hapon. Pinangunahan ni Punong Lunsod Eduardo B. Dimacuha, mayor-elect Vilma A. Dimacuha at Engr. Winifredo Olores, District Engineer ng Department of Public Works and Highways ang soft opening ng nasabing tulay.
Nauna rito ay binisita ng mag-asawang Dimacuha kasama sina Councilor Marvey Mariño, mga Executive Assistants at ng mga department head ng Lokal na Pamahalaan ang bagong Bridge of Promise noong June 10.
Pinasalamatan din ni Dimacuha ang pamilya ng Laurel at Caedo na nagpaunlak ng kanilang bakanteng lote sa paligid ng tulay para maging daanan ng crane na syang ginamit upang lalong mapabilis ang paggawa ng tulay. Gayundin sa mga tao at byahero na nagtiis at nagsakripisyo sa traffic dala ng pagbagsak ng tulay.
Samantala, ipinagbigay alam ni Arch. Fe Vellon, hepe ng Transportation Development and Regulatory Office o TDRO na kahit bukas na ulit sa publiko ang Bridge of Promise ay mananatili pa rin sa dati ang ruta ng mga sasakyan. Maliban na lang sa biyaheng Capitolio na siyang iikot sa Bridge of Promise mula sa bayan. Magiging two-way ang Pallocan Road. Idinagdag pa niya na mananatili pa rin ang Plate Ending Scheme sa PUJs at private vehicles.
Matatandaan na nasira ang Bridge of Promise ng gumuho ito bunsod ng Bagyong Santi noong ika-31 ng Oktubre ng nakaraang taon na ikinasawi ng dalawang katao nang kasamang nahulog ang kanilang sinasakyang kotse sa pag-guho ng dating batong-tulay.
Ang bagong tulay ay binubuo ng bato at bakal na tulay kung saan mula pa sa Palawan ang mid-span ng tulay ay binuo sa loob ng halos anim na buwan sa ilalim ng LR Tiqui Contractors. Gumugol ang Pamahalaang Nasyunal ng P100M sa konstraksyon ng tulay. May 16,000 behikulo ang dumadaan dito araw-araw at lilimitahan sa 20 Tons Capacity ang maximum load ng tulay.
Napapanahon at malaki ang tulong ng muling pagbubukas ng tulay sa publiko upang maibsan ang trapikong dala ng pagbubukas naman ng unang araw sa klase at sa panahon ng tag-ulan ngayong buwan ng Hunyo. (Dimpy Lontoc – Matienzo, PIO Batangas City)