Modus operandi ngayon ng mga magnanakaw ang awayin muna ang isang biktima o kaya ay bugbugin bago ito pagnakawan. Ito ang ipinaaalam ngayon ng kapulisan sa mga mamamayan ng Batangas.
Ayon kay Juliet Rigat Deputy Chief Inspector ng Batangas City PNP, tuluy –tuloy ang operasyon at pagmomonitor ng kanilang intelligence team sa mga kasong ito. Talamak di umano ang mga ganitong uri ng nakawan ngayong tila mas dumadami ang mga nahihirapan sa buhay.
Sa Batangas City, ang ganitong pagnanakaw ay madalas sa Sta. Clara, sa luma at bagong palengke at maging sa loob ng pampasaherong jeep kung saan pinaghihinalaang kasabwat ang driver sa naturang modus.
Payo ni Rigat, iwasang magdala at maglabas ng mga mamahaling gamit tulad ng mga mamahaling cellphones, laptops, camera o alahas sa mga matataong lugar. Iwasan rin ang pagdadala ng malaking halaga ng pera lalo na kung wala namang pangangailangan dito. Kung lalabas naman mula sa bangko o magwiwithdraw ng pera sa mga ATM, siguraduhing ligtas ang paligid at doblehin ang pag-iingat.
Maaring ang mga magnanakaw na ito ay nagkalat lamang sa mga pampublikong lugar, kaya mainam na handa tayo at may ibayong pag-iingat.
Ulat mula kina: Maricar Tayag at Aubrey Hanzel Alib, PIO Batangas City