Bagaman may maganda din naman dulot ang advance na teknolohiya tulad ng cellphone, tablet, internet atbp ay mas maraming bahagi ng mga kabataan ang nagiging sobra ang paggamit nito. Ika nga ng mga matatanda, lahat ng kalabisan ay masama. Kaya dine sa San Jose, Batangas ay ilang taon nang kasama sa kanilang programa tuwing marso ang “Kite Flying Contest” upang patuloy na buhayin ang pagpapalipad ng papagayo/bulador kanina, ika-18 ng Marso, 2019 sa Brgy. Don Luis, San Jose, Batangas.
Sinimulan ito noong 2015 at palagian nang sinasabay kapag may malalaking programa tuwing kafiestahan. Ito ay upang maipasa sa mga bagong henerasyon ang mga kaugalian ng mga kabataan noon. Ilan pa nga sa mga nakilahok ay anak na ng mga dating nagpapalipad ng bulador. Sa katunayan ay isa sa mga saranggolang kalahok ay halos 17 taon na pagmamay-ari ni Sinon Alday at binili pa noong 4 na taon pa lamang ang kanyang anak na ngayon ay sya nang kalahok ngayong taon.
Nagtagisan ang (77) pitumput-pitong mga saranggola ng pagandahan ng disensyo, palakihan, paliitan at pabilisang tumayog. Bagaman santing ang init ng araw ay kitang kita ang saya ng mga kalahok sa pagpapalipad at di alintana ang init ng araw miski abutin ng alas-dos ng hapon ang patimpalak.