Alam nyo ba na bago sina Toto at Nino ay may nauna pang bespren si Noel? Aba’y uwo naman. Halika’t pakinggan natin ang kwento.
………………
Bata pa noon sina Noel, Nino, at Toto. Si Mang Tomas naman eh matanda na talaga. Haha. Peace Mang Tomas. Isang kababata nila ang naging bespren ni Noel. At malapit sila sa isa’t-isa.
Siya si Nicole. Aba’y pagkakagandang bata. Mula sya sa isang mayamang pamilya. Ang Daddy nya ay isang CEO ng isang kumpanya at ang Mommy naman nya ay isang Doctora sa isang sikat na ospital sa Maynila.
Nagkakilala sila ni Toto sa isang tindahan. Kumakain nun ng lolipop si Nicole at bigla itong nalaglag sa gabukan. Syempre dahil bata, umiyak si Nicole. Nakita ito ni Noel kaya binigyan nya ng…..lolipop? Hindi muna. Aba’y ano ga ang binibigay kapag naiyak. E di ga’y panyo. Ang pagkakabaet ni Noel ano?
Pagkaabot ng panyo kay Nicole, dumukot ulet sya ng piso mula sa kanyang bulsa. Tumawag sya sa tindera at may binili.
“Pabili nga po ng lolipop. Yung chocolate po ah.”, ang sabi ni Noel.
Inabot nya ito kay Nicole. Ay ang pagkakasweet ni Noel. Natuwa si Nicole sa ginawang iyon ni Noel at mula noon ay naging magkaibigan sila.
Simula noon, araw-araw silang nasa may tindahan at bumibili ng lolipop. Naging malapit sila sa isa’t-isa. Naging mag-bespren sila. Ang nakakatuwa pa eh, may dala-dalang birthday kamera si Noel para laging piktyuran si Nicole at ang mga nakakatuwa nilang mga karanasan.
Ngunit may biglang naging problema. Ang Papa ni Nicole ay may malaking business na itatayo sa Amerika. Ang Mama naman nya eh kelangan ding ipadala sa Amerika dahilan sa kanyang pagpapakadalubhasa sa medisina. Kelangan nilang duon na tumira.
Dahil walang nililihim sa isa’t-isa, bumili si Nicole ng lolipop. Kumuha sya ng ballpen at sinulat ang problema sa balat nito tapos ang balat eh ibinigay niya kay Noel.
Nabasa ito ni Noel at bigla siyang nalungkot. Di matatago ang kalungkutan ni Noel kay Nicole. Napansin din ito nina Nino at Toto.
Kahit na ganun ang nangyari, sinulit pa din ni Noel ang mga panahong magkasama sila ni Nicole. Lagi pa din silang nabili ng lolipop. Lage pa ding bitbit ni Noel ang kanyang kamera at pinipiktyuran si Nicole hanngang sa ito ay umalis.
Nagtanong bigla si Nino na pagkakakulet. “Bakit kuha ka pa ng kuha ng piktyur nung magkasama kayo ni Nicole eh alam mo namang paalis na sila. Di ka ba nalulungkot? Kalimutan mo na yun.”
Napabuntong-hininga muna si Noel at nagsalita. “Walang kumukuha ng litrato ng mga tao o bagay na nais nilang kalimutan.”
Pagkasabi ng mga katagang iyon. Tumingin sa mga ulap si Noel, lumakad, pumunta sa tindahan, at bumili ng lolipop habang inaalala ang kanyang bespren.
……………..
At yan ang kwento ni Noel at ng kanyang bespren Nicole. Sila, ang lolipop na chocolate, at ang birthday kamera.
Moral Lesson: Lahat tayo,kagaya ni Noel, ay may mga matalik na magkaibigan. Nagiging ka-close natin sila ngunit minsan dumadating ang oras na kailangang maghiwalay. Pero, ibig sabihin ba ng paghihiwalay e ang limutan ang iyong kaibigan. Syempre hindi. Mas magandang kumuha ng mga magagandang alaala habang kayo’y magkasama. Mga alaala na hindi mo malilimutan. Tulad nga ng sabi ni Noel, “walang kumukuha ng litrato ng isang bagay o tao na nais nilang kalimutan.” Tama naman di ba? Ikaw, sinong matalik mong kaibigan? Kwento ka naman.