Ala’y pagkakasarap ng mangga ano? Kahirap laang manguha, di ga?
………………….
Isang araw sa isang kabukiran, may isang mayaman na nagharang ng isang pagkakalaking putol ng puno sa gitna ng daan. Aba’y, gusto nyang makita kung sino ba ga sa kanyang mga kabaryo ang maglalaan ng oras para tanggalin ito.
Ala’y kadaming tao na ang nakadaan eh wala pa ding nagaalis eh. Nandiyang dumaan na ang mga bata, matanda, mayaman. Lahat sila eh puro sa tabihan lang dumadaan. Pilit na iniiwasan ang nakaharang na puno sa may daanan.
Ala’y katatamad. Wala man laang maglaan ng oras na alisin ang nakaharang sa kanilang daan. Ang iba ay nagalit sa naglagay nito at puro nagsipagreklamo.
“Ala’y sino ga ang naglagay nare dine. Pagkakabastos naman eh. Alam na daanan, dine pa naisipang ilagay.”, sabi ng isang dumadaan.
Natapos ang isang buong araw na wala man lang nag-aalis ng hinarang nya. Papaalis na sana sya sa pagmamasid kung may magtatangkang mag-alis ng harang nang biglang may dumaan na isang lalaki. Ala’y pagkakadaming dalang bagahe. Sunung-sunong ang kanyang kariton na naglalaman ng mga prutas na at gulay na inani nya, ang lalaking ito ay pagod na pagod.
Pagdaan ng lalaki ay nakita nyang nakaharang ang isang malaking putol ng puno sa daan. Pagod man eh ibinaba niya ang sunung-sunong na kariton pati na ang kanyang mga bagahe pare alisin ang nakaharang sa may daanan. Buong lakas nyang inalis ang punong nakaharang. Tagaktak ang pawis ng lalaki pagkaalis eh. Sobrang napagod sa ginawa nya. Ay lawit dila eh.
Naupo sya sa daan para magpahinga. Hindi nya namalayan na duon pala siya napaupo sa inalsan ng puno. Napansin niya ang isang bayong na naglalaman ng pagkadaming salapi. Ay hindi naman barya, pagkakabigat nuon. Napakadaming salapi ang nasa loob ng bayong. Sapat na para mamuhay sila nang ayos ng kanyang pamilya eh. Ni hindi na nga niya kelangan pang magtrabaho, magtanim at mag-ani ng mga prutas at gulay.
Napansin din niya na may sulat na nakalakip sa bayong. Binasa nya iyon.
“Ako ang naglagay ng punong nakaharang sa daan. Tinitingnan ko kung sino ang taong magbibigay ng kanyang oras para tanggalin ang nilagay kong puno.
Akin din ang bayong na iyan. Dahil ikaw ay hindi nangiming alisin ang nakaharang sa iyong daanan, sa iyo na iyan. Lahat ng nandyan ay sa iyo na.”
Parang nawala ang pagod ng lalaki. Dali-dali syang tumayo, sinuong muli ang kanyang kariton at dali-daling umalis patungo sa kanilang bahay.
……………………
Toto, are ga ang mangga. Alam kong pagod ka na sa pangunguha. Halika’t mag-merienda ka muna dine.
Moral Lesson: Minsan, hindi natin napag-uukulan ang mga mahahalagang bagay na dumadaaan sa ating mga buhay. Sa halip, binabalewala natin ito at kung minsan ay nagrereklamo pa nga. Madalas nating iniisip na sagabal lamang ang ibang mga bagay at hindi dapat pag-ukulan ng pansin. At doon tayo nagkakamali. Tandaan, lahat ng bagay, mahirap man ito para sa atin ay nagbibigay ng oportunidad sa atin. Wag nating tingnan ang isang bagay gamit ang ating negatibong mga mata at pananaw. Kapag naglaan ka ng panahon para sa mga bagay na ito, gaano mang hirap ang ibinigay mo, sa huli, makikita mo kung ano ang ibibigay nito para sa ‘yo.
Inspired by the story “The Obstacle In Our Path”.