Mga ka-WOWBatangas! Simula na ng Trade Fair sa SM City Lipa Terminal. Ito ay bahagi ng 429th Foundation Anniversary ng ating probinsya. At kaisa ang WOWBatangas sa pagdiriwang na ito.
Iba’t ibang ibang business establishments ang may kani-kaniyang booth kung saan mabibili ang kanilang mga produkto. Bukod sa mga kalahok mula sa business sector, may mga booth din ang bawat local government unit (LGU) mula sa iba’t ibang bahagi ng probinsya.
Syempre, hindi kami nagpahuli. 🙂 Meron din kaming sariling booth sa trade fair kung saan maaari n’yong mabili ang WOWBatangas limited edition t-shirts na dinisenyo ng mahuhusay naming graphic artists!
Bukod dun, pwede rin kayong magpapicture sa aming photo booth na agad naming ia-upload sa WOWBatangas Facebook Page.
Ang Trade fair ay pormal na binuksan kaninang ala-una ng hapon pagdating ng mga punong panauhin na sina Vice Governor Mark Leviste, Honorable Mayor Meynard Sabili ng Lipa City at ang kanyang may-bahay na si Bernadette Sabili, Bokal Weng Sombrano-Africa at asawang si Konsehal Eric Africa, at Lipa City Administrator Atty. Leo Latido.
Sa welcome message ni Mayor Sabili, binigyang diin n’ya ang pagkakaisa ng lahat ng Batangenyo sa linyang kanyang binitiwan: “Tayong lahat ay magdiriwang saan mang sulok ng Batangas kayo naroroon. Iisa ang ating damdamin, iisa ang ating puso, iisa ang ating lupang kinatatayuan at iyan ang lupang Batangan.”
Samantala, nagbigay rin ng talumpati si Vice Gov. Leviste at ito ang ilan sa kanyang mga naging pahayag: “Batangas tourism goes beyond tourist attractions, rich culture, interesting history, and delicious cuisines. Batangas is also about having beautiful people… I’m calling all Batanguenos to help promote Batangas tourism… ‘Wag po kayong maging dayuhan sa sariling lalawigan.”
Ang opening ceremonies ay nagtapos sa ceremonial coffee drinking na naghudyat ng pormal na pagbubukas ng Trade Fair.
Ano pang hinihintay n’yo, tara na’t makisali sa pagdiriwang na ito! Dahil sa WOWBatangas, hindi ka mahuhuli sa kasiyahan. 😉
P.S.
Ang Trade Fair ay nagsimula kanina hanggang sa Miyerkules, Dec. 8 sa SM City Lipa Covered Terminal.