Isa sa pinakanakakainis na ugali ng tao ay yung ang palagay sa sarili ay mas banal kaysa iba. Itinataas niya ang sarili at minamaliit ang kapwa. Sa kanyang palagay ay mas may karapatan siya sa biyaya ng Diyos dahil sa kanyang mga angking kabutihan at tinataglay na kabanalan. Ang ganitong saloobin ay baluktot. Kapag ipinalagay mo na ang iyong sarili ay nakahihigit sa iba sa paningin ng Diyos, iyan ay palatandaan ng kapalaluan. Iyan ang magtutulak sa iyo sa kapahamakan. Iyan ang maglalayo sa iyo sa Diyos at ganun din sa kapwa.
Kaya naman bilang pagsalungat sa ganitong saloobin itinuturo ng mga spiritual masters ang pagkilala sa galing at kakayanan ng iba at pagtanggap sa katotohanang may maraming kapintasan at kahinaan ka. Hindi naman ibig sabihi’y maging kahabag-habag at abang aba ka. Ang nais lamang ipamukha sa atin ay ang harapin at ang tanggapin ang katotohanan na hindi ikaw ang pinakadakila; may mas hihigit pa sa iyo sa larangan ng talino, kakayahan, pinag-aralan, estado sa buhay, at maging sa kabanalan. Kaya mo ba itong tanggapin ng walang sama ng loob?
Sa totoo lang, mahirap humatol sa kabanalan ng iba. Sapagkat hindi mo ito masusukat kara-karaka. Tanging ang Diyos lamang ang maaring humusga sa kabanalan mo at ng ibang tao. Kaya hindi ka dapat humatol. Diyos lamang ang tunay na nakakakita at nakasusukat ng timbang ng kabutihan sa bawat iniisip, sinasabi, at ginagawa natin. Who are you to judge your neighbor? Hahatol ka? Baka mapahiya ka pag humarap ka sa salamin!