May long weekend na parating! Alam kong ilan sa atin ay nag iisip na kung saan dine sa Batangas magandang pumunta. Kaya naman kabilaan ang ayaan ng ilan sa ating mga kababayan. Sadya namang all in one ang Probinsya ng Batangas at hinding hindi ka mauubusan ang pupuntahan, nariyan ang ating mga dagat, ilog, bundok, museo at higit sa lahat mga simbahan.
Likas na sa mga Batangueño ang pagiging madasalin at pagiging relihiyoso, kaya naman dinarayo ng mga deboto ang isa sa mga pinagmamalaki nating National Shrine ng St Padre Pio. Matatagpuan ito sa San Pedro, Sto. Tomas, Batangas at sadya naman napakadaling puntahan sapagkat ito’y sampung minuto lamang ang layo mula sa Palengke ng Sto. Tomas. Huli ko atang punta dine’y nuong kabilang taon pa at hangang hanga ako sa ganda ng mga istraktura nito at gayun din sa debosyon ng mga pumupunta dito. Sa kanto pa lamang ay matatrapik ka na at makikita mo ang pila ng mga sasakyan na mula pa sa iba’t ibang parte ng ating bansa. Karamihan sa kanila ay mga deboto at mga taong may karamdaman na umaasang pagagalingin ng St Padre Pio.
Hindi mahulugan ng karayom ang simbahan kahit pa man napakalawak nito. Ang iba nga’y nakatayo na at walang maupuan habang nagmimisa. Sa labas naman nito ay samu’t saring mga bilihin ang nakalarang. Kailan kaya kita muling mababalikan?
Larawan kuha ni Joseph Bryan Navarro