“….sapagka’t doo’y maraming tubig: at sila’y nagsiparoon, at nangabautismuhan. ” Juan 3:23
Tuwing Pista ng San Juan Bautista, sa pagputok na pagputok ng liwanag ay basaan na kaagad. Nakalatag na mismo sa kalye at sa tapat ng bahayan, ang mga sisidlan ng tubig, mula drum, timba at tabo at maging ang mga watergun. Umpisa na ng Pista ng Basaan.
Halaw ang tradisyon sa pagbibinyag ni San Juan Bautista sa Panginoong Jesus, kung saan binuhusan ng tubig ang Panginoon na siya ring hudyat ng katuparan ng pagtatama at simula ng kanyang misyon sa lupa. At para sa mga nangbabasasa sa araw ng pista, ito ay pagtanggap at pagbabasbas sa mga nagsisidalo sa kanilang kapistahan.
Tunay na napakasaya ng pagdiriwang ng kapistahan na meron ang Parada ng Lechon. Sinasabi ng kasaysayan na ang Parada ng Lechon ay sinimulan mula pa nung panahon ng Kastila ng mga may-kayang taga-Balayan bilang pasasalamat at pamamahagi sa pamayanan ng biyayang natamo sa masaganang taon. Ngayon ang nagsisiparada ng Lechon ay ganun pa rin, ang mga may-kaya at ang mga negosyong patuloy na nagpapaunlad sa bayan ng Balayan.
Nagsisimula ang parada sa may Kanlurang Arko papasok ng Balayan, tatahakin ang Paz St. , liliko sa Antorcha St. at karaniwang nagtatapos sa Monumento ni Jose Rizal, ang karamihan ay tinutuloy ang kanilang parada ng Lechon sa kanilang bahay. Habang tinatahak ang parada, siya naman tuloy tuloy na pamamasa ng tubig ng bawat daanan. Walang exempted, lahat ay binabasa. Damang-dama ang kasiyahan, tawanan at kakaibang sigla. Pagpasok sa rotonda ng monumento ni Rizal ay kakaibang saboy ang iyong madadama, ang saboy ng mga bula, at tapos nun ay ang ulan na galing sa trak ng bumbero.
Pagdating ng alas-diyes medya ay medyo hupa na ang parada, pero hindi doon nagtatapos ang kasiyahan, umpisa na upang pagsaluhan ang lechon at ang mga hinanda para sa kapistahan.
Panulat at kuha ni Joel Mataro