Naniniwala ka ba na may buhay pagkatapos ng buhay dito sa lupa? May mga taong di naniniwala subalit marami ang naniniwala. Bilang Krisitiyano dapat kang maniwala. Ang problema nga lang ay may mga Kristiyano na nagsasabing naniniwala sila na may buhay na walang hanggan ayon sa pangako ng Panginoon subalit ang pamumuhay naman nila ay taliwas sa paniniwalang ito. Marami kasing naniniwala na totoo ang kabilang buhay subalit parang hindi importante iyon. Ni hindi nila pinapansin iyon o pinapahalagaan. Ang laging laman ng kanilang isipan ay ang buhay sa kasalukuyan at ang ang mundong ginagalawan.
Ikaw, kalian mo huling inisip ang langit? Baka naman iba na rin ang ating concept ng “langit” – baka mga kasiyahan na matatamo dito sa lupa! Kaya pati “langit” ay bumaba na, naging makamundo na, here and now na lang at wala nang hereafter. Kapag puro pagpapasarap-buhay lamang ang ating inaatupag kung kaya napabayaan na natin ang pagiging tunay na maka-Diyos, iyan ang tinatawag na “secularism”. Kapag inalis na natin ang mga concrete expressions ng ating pananampalataya, iyan ang tinatawag na “de-Christianization”. Kapag tinalikuran na natin ang pagsasabuhay ng mga pagpapahalagag espiritwal, iyan na ang tinatawag na “practical atheism”. Sa totoo lang ang mga takbo ng isipang ganito ay lumalaganap at dahan-dahan na tayong ginagapang. Kaya maging maingat tayo.
Bakit ba mahalaga ang buhay sa kabila? Kasi doon tayo lahat patutungo! May katapusan ang buhay dito sa mundo At ang pupuntahan mo doon sa kabilang buhay ay depende sa kung paano ka nabubuhay ngayon. Makakatulong ang palagiang pag-uusisa ng iyong buhay at ng iyong budhi. Saan ka nga ba patutungo pagkatapos ng maigsing paglalakbay na ito?