Siguro wais ka sa pera, o siguro wais ka sa negosyo at sa property mo, pero hindi ito ang tinutukoy ko. Ayon sa Ebanghelyo: “Kaya’t sinasabi ko sa inyo: gamitin ninyo sa pakikipagkaibigan ang kayamanan ng sanlibutang ito. Maubos man ito’y may tatanggap naman sa inyo sa tahanang walang hanggan…Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga kayamanan ng sanlibutang ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan?” (Lk 16: 9, 11) Kung gayon, bawat biyaya pala na natatanggap natin ay isang pagkakataon upang tayo ay makagawa ng mabuti sa kapwa. Hindi tama na kapag may dumating na grasya sa buhay ng isang tao ay kaagad niyang iisipin kung paano bibigyang-kaluguran ang sariling kapakanan lamang.
Marahil nga wais ka sa pagpapatakbo ng hanap-buhay mo kaya maganda ang pagkita mo ng pera. Dapat pala ay maging wais ka di lamang sa materyal kundi lalo na sa buhay-espiritwal. Kung wais ka sa pagpapaunlad ng iyong kabuhayan at kaperahan ay hinahamon ka ni Kristo upang maging matalino sa larangan ng kabanalan at pakikipagkaisa sa Diyos at sa kapwa. Halimbawa, nagagawa mong paramihin ang income mo, bakit di mo rin paramihin ang pagmamahal mo sa Diyos at kapwa. Kung nagagawa mong doblehin ang iyong tubo sa negosyo mo, bakit hindi mo doblehin ang pagpapatawad at pag-unawa sa iba? May talino ka para makagawa ng paraan o diskarte sa hanap-buhay mo, gamitin mo rin sana ang talinong ito upang higit na dumami ang natutulungan sa halip na ang pararamihin mo ay ang mga kagalit o kaaway mo.
Isang katalinuhan sa larangan ng pananampalataya at buhay-espiritwal ang magkaroon ng takot o pagkilala sa Diyos. Sabi nga ng Bibiliya, “The fear of the Lord is the beginning of wisdom.” Total alam mong may buhay sa kabila na naghihintay sa iyo, hindi ba wais ka kung paghahandaan mo ito sa pamamagitan ng maayos at buhay na banal. Ang ganda ng ibinahagi ni Cardinal Rosales sa aming mga pari sa kanyang homiliya. Sabi niya kakaiba ang Diyos kung magbigay ng exam. Kasi wala namang nagbibigay ng exam na sinasabi na rin kung ano ang itatanong. Pero ang Diyos, ipinahayag na Niya agad kung ano ang question sa exam sa sandali ng ating pagharap sa kanya. Hindi niya itatanong kung gaano kadami ang pera mo. Hindi Niya itatanong kung gaano kadami ang napahanga mo. Hindi niya itatanong kung gaano ka kagaling o katalino. Hindi Niya itatanong kung ano ang abilidad mo. Ang itatanong Niya ay KUNG TUNAY ANG PAGMAMAHAL MO. Ngayong alam mo na, kapatid ang question sa final exam, di ba wais lang ng paghandaan mo na ang isasagot mo?