Naiibang talentong pang-agrikultura ang ipinamalas ng apat na kabataang mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan sa nakaraang Annual Regional Farm Family Celebration na ginanap noong ika-28 at 29 ng Abril sa Cavite State University.
Ang nasabing pagdiriwang ay bahagi ng programa ng Department of Agriculture na nilaan para sa mga miyembro ng Four H Club (4H Club). Ang 4H Club ay isang organisasyong kinabibilangan ng mga kabataang anak ng mga magsasaka at dito ay sinasanay sila sa mga gawaing kaugnay sa mga pangangailangan at produktong agrikultural na di kalaunan ay pagkakakitaan.
Humarap kay Gov. Vilma Santos Recto noong ika-16 ng Mayo ang 3rd placer sa Extemporaneous Speech na si Jason Mendoza (una sa kaliwa) ng Mahabang Dahilig, Lemery, 3rd placer sa Quiz Bee na si Denmark Pacia (pangalawa sa kaliwa) ng Tiquiwan, Rosario, 2nd placer sa Rice-based Handicraft making na si Ella Glenda Magbojos (pangalawa sa kanan) ng Ilat North, San Pascual at 2nd placer sa Organic Fertilizer Preparation na si Patrick David Escalona (una sa kanan) ng Caoangan, Padre Garcia.
Sila ay binigyang karangalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas dahil sa karagdagang pagkilala sa probinsya bilang tagapagtaguyod ng agrikultura na mabisang ayudang pangkabuhayan para sa mamamayan.
Ulat: Kristina Marie Joy Andal (PIO)
Larawan: Edwin Zabarte