Linggo, ikalawa ng Marso, 2025. Naisipan naming mag-asawa na mag-mall, mag-relaks ng kaunti bago sumabak ulit sa sandamakmak na trabaho kinabukasan. Naitala na ang mga gustong bilhin at magandang pasyalan. Nakaligo na, nakapamalantsa na ng pang-alis, bibihisan na ang tatlong taon naming paslit at naisip na mag-komyut na lang din muna dahil may sira din ang kotse: “Para hindi na din tayo mapagod sa trapik,”kumbinsi namin sa aming sarili.
“Buling-buling nga pala ngayon…”
Walang tatlong segundo, napagdesisyunan naming huwag na lang ituloy ang lakwatsa.
Hindi dahil salungat kami sa tradisyon, manapa’y nasasayangan sa damit na pinalantsa, sa gayak na malamang ay mababasa lamang, sa siguradong pa-bully na sagot ng mga mambubuling kapag pinakiusapan silang ‘wag kaming basain, at, higit sa lahat, ang posibilidad na sipunin o ubohin pa ang aming anak.
“…mabababad-trip lang tayo.”
Sabay buhay sa TV, nag-netflix at nanuod ng “Hello, Love, Again.”
Habang kinikilig kay Kathryn at Alden, palihim akong nag-browse sa cellphone, sinusubukang maghagilap ng ilang impormasyon sa buling-buling.
Marami nga sigurong nag-aakala na ang buling-buling dito sa Lipa ay sumasalamin at isang pag-alaala sa pagbibinyag ni San Juan Bautista kay Hesukristo, pero kakasimula pa lamang ng Marso, ang pyesta ni San Juan Bautista ay sa Hunyo pa. Ginagawa ang tradisyon sa araw ng Linggo bago mag-Miyerkules ng Abo pero wala din naman makitang tiyak na impormasyon na inaangkin ng simbahan ang naturang tradisyon. Maging ang lokal na pamahalaan, hindi din nakikitaan ng pagsuporta sa tradisyon ng buling-buling.
Saan nag-uugat ang bulingan dine sa Lipa?
Walang katiyakan, pero ito ang sigurado: hati ang mga tao sa pagkilala sa tradisyong ito. May ibang nagsasabing “walang kwenta” ang naturang gawain, manapa’y perwisyo pa sa mga nagtatrabaho at may mga importanteng lakad. May iba na itinuturing na “blessing” ang pamamasa at ang mabasa lalo na at isang beses lang ito ginaganap kada taon. Aliw na aliw, pabirong nagbabantang “‘wag na kayong lumabas kung ayaw n’yong mabasa sa araw ng buling-buling,” at may iba naman na itinatawa na lamang ang mga nakikita online at mga nararanasan ng personal.
Ipinahinga ko na muna ang aking cellphone.
Minasdan muli si Alden.
Mukhang mabango, perpekto ang pagkakahulma. Napatanong, ano kaya ang kaniyang masasabi ‘pag siya ang nabasa ng Isang baldeng tubig na kailanma’y hindi matitiyak kung saan inigib?