Batangas City – Pinaalalahanan ng Department of Trade and Industry ang publiko na maging mapanuri ngayong darating na Christmas Season sa mga kumakalat na sub-standard na mga electrical devices at dekorasyon partikular ang bulto –bultong christmas lights na kumakalat sa merkado.
Ang hakbang na ito ay bunsod ng obserbasyon ng lalawigan ng Batangas sa Consumer Welfare month ngayong buwan ng Oktubre na kakapalooban ng Consumer protection Week at Products Standards Week na naglalayon ng pagbibigay proteksyon sa mga mamimili at labanan ang mga walang kalidad at depektibong mga produkto sa pamilihan.
Sa pagtalima ng lalawigan ng Batangas sa Republic Act 7394 o Consumers Welfare Act, isinagawa ng DTI region 4 ang pagwasak ng libo libong sub-standard at mga depektibong Christmas Lights noong ika-13 ng Oktubre 2010.
Ang okasyong ito ay pinangunahan ni Batangas Governor Vilma Santos Recto kasama ang pamunuan ng DTI region 4 sa pangunguna ni Provincial Director Ruel Gonzales at Batangas City Filipino- Chinese Chamber Of Commerce President, Andrew Tan.
Ang mga delikadong electrical decors ay nangaling sa ibat –ibang pamilihan na sinamsam ng mga operatiba ng DTI sa kadahilanan ang mga ito ay hindi dumaan sa pagsusuri ng Bureau of Products Standards na nagtatalaga ng mga pamantayan at kalidad ng mga ganitong uri ng produkto sa merkado.
Binigyang diin at paalala ni Governor Vi ang consuming public na bigyang pansin ang kalidad ng bibilhing produkto at hindi ang murang presyo nang mga inaaalok na produkto. Paalala ng Gobernadora na isipin ang kaligtasan partikular ang buhay at mga ari-arian.
Sa panayam kay director Gonzalez, sinabi nito na patuloy na iikot ang kanilang ahensya sa ibat-ibang pamilihan sa lalawigan upang kumpiskahin ang mga delikadong produkto at panagutin sa batas ang mga indibidwal na nagkakalat at nagbebenta ng mga depektibong produkto.
Sa tala ng lalawigan madaming insidente ng sunog ang naganap na ang pangunahing sanhi ay ang short circuit ng linya ng kuryente ng mga ilaw dekorasyon na nagdudulot ng kapaminsalaan sa ari-arian./ Edwin V. Zabarte/OPG-PIO