Inspirasyon ni John Ronnel “Jeron Tanglaw” Popa, isang manunulat, ilustrador at pampublikong guro sa Tanauan City, Batangas ang tatlong buwang sanggol na isinakay sa batya upang maligtas nitong kasagsagan ng Bagyong Ulysses sa isang “Picture Book” na kanyang likhang obra na pinamagatang May Beybi sa Batya.
Nagsimula ang kanyang pagsusulat noong taong 2019 at nito lamang buwan ng Marso ngayong taon ay sinamantala nya ang pandemya sa pamamagitan ng pagguhit para sa mga pambatang libro. Sa katunayan, walong libro na ang kanyang nailathala at karamihan dito ay tungkol sa kasalukuyang mga kaganapan.
“Noong kasagsagan ng sunod sunod na bagyo ay di ako mapakali. Ang hirap ng wala akong magawa para sa mga kababayan kong nasasalanta ng bagyo at kasalukuyang nasa ilalim tayo ng pandemya.
Nakita ko sa social media ang larawan ni “Baby Ayla”, ang batang inilikas sa pamamagitan ng pagsakay sa Batya. Siya ang aking naging inspirasyon para gumawa ng isang “Silent Picture Book” at makalikom ng pera para gawing donasyon sa mga nasalanta ng sunod sunod na bagyo.”
Kanyang ibinenta ang digital copy nito sa halagang P50 at sa kasalukuyan ay kulang kulang P300,000 na ang kanyang nalikom na pondo mula dito. Aniya, isa sa kanyang ikinatutuwa ay ang kusang loob na pagbibigay ng higit sa presyo ng libro ng ating mga kababayan na nais ding magpaabot ng tulong.
Ang mga nalikom na pondo ay kanyang ipinamahagi sa pamamagitan ng pagcontact sa mga volunteers, teachers, youth leaders at iba pa sa iba’t ibang parte ng bansa tulad ng Cagayan, Laguna, Bicol, Camarines Norte, Camarines Sur , Polilio Island atbp.
Bukod dito, layunin din nyang maturuan ang kanyang mga estudyante sa paggamit ng talento at internet sa tama at makabuluhang paraan.
Sa kasalukuyan ay maari pa ring bumili ng digital copy ng libro sa link sa ibaba at patuloy pa din ang kanyang donation drive para sa ating mga kababayan.
Maraming salamat po WOW Batangas! Tunay na dakila ang mga Batangueño!