Natapos na ang eleksyon pero ang pagsasakripisyo ng ating mga guro ay hindi pa tapos. Census naman ngayon ang kanilang inaatupag. At halos dalawang linggo na lang ay pasukan na naman. Nakakapagpahinga pa kaya sila?
PRESS RELEASE
May 31, 2010
Public Information Office
Sa tindi ng init sa panahong ito, ang pagsasagawa ng census ay hindi gawang biro kung kaya’t nanawagan ang mga itinalagang guro sa Batangas City sa mga tao na magpakita ng kooperasyon at suporta sa isinasagawa ngayon ng mga gurong 2010 Census of Population and Housing na ipinatutupad ng National Census and Statistics Office sa buong bansa.
May 17 nagsimula ang census at sa loob ng isang linggong pagsasagawa nito ay may ilang problema ng naranasan ang mga pampublikong guro.
Ayon kay Rosalina Panganiban ng Batangas City East Elementary School at Team Supervisor ng kanilang grupo, may mga residenteng ayaw sagutin ang ilang mga katanungan sa pag-aakalang ito ay makadaragdag ng buwis na kanilang babayaran.
Naaantala din ang kanilang trabaho lalo na dito sa kabayanan dahilan sa walang tao sa mga bahay simula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon kung kaya’t ang iba ay nag-adjust ng schedule at ginagawa ang census mula alas-4 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi upang makausap ang mga residente.
Ang ilan naman sa mga tao ay ayaw magpapasok kahit may ID ang mga guro o hanggang gate lang pinapatuloy at ayaw maabala, ang iba naman ay nagagalit. Samantalang ang ilang mga guro ay nakaka-tatlong balik bago makapag conduct ng census.
Idinagdag pa ni Panganiban na mas mahirap ma-interview ang mga taga-bayan kumpara sa mga taga-bukid, ang problema nga lang sa malalayong lugar ay ang distansya ng mga bahay-bahay na kanilang pinupuntahan.
Labimpitong households aniya ang target nila sa isang araw at ito ay natatapos naman ng kanyang grupo.
May nalalabi pang 11 araw para sa pagsasagawa ng census kayat nakiki-usap si Panganiban na maki-cooperate sana ang mga tao at maglaan kahit 15 minuto sa kanila sapagkat mahalaga ang mga data na makukuha dito hindi lamang para sa pamahalaan kundi sa pribadong sektor. (Dimpy Lontoc-Matienzo, PIO Batangas City)