PROVINCIAL INFORMATION OFFICE
PRESS RELEASE
September 30, 2010
PLEASE REFER TO MS. GINETTE SEGISMUNDO CONTACT US/043-980-5206
Ordinansa para sa regular na Clean-Up drive sa Batangas isusulong
Matapos ang masiglang pakiisia ang mga Batangueno sa ginawang Province Wide Clean Up drive na may temang “Linis Batangas, sa Dengue Batangueno ay Ligtas” noong ika-28 ng Setyembre 2010 ipananukala ng Pamahalaang Panlalawigan sa ilalim ng pamunuan ni Governor Vilma Santos-Recto ang buwanang pagdadaos nito sa pamamagitan ng pagpapatibay ng isang ordinansa mula sa Sangguniang Panlalawigan.
Eksaktong alas 7 ng umaga ng ibigay ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto ang hudyat sa pamamagitan ng lokal na Radyo at telebisyon ang pagsisimula ng malawakang linis kapaligiran para labanan ang sakit na dengue.
Kasamang lumahok sa aktibidad ang mga kasapi ng Batangas PNP, mga estudyante mula sa elementarya, high school at kolehiyo mula mga pampubliko at pribadong paaralan ganun din ang mga opisyal ng Local Government Units at Baranggay officials na nagsasagawa ng kanilang clean up sa kanilang mga nasasakupan.
Pinasimulan ni Governor Vi ang clean up drive sa Barangay Balagtas kung saan pinangunahan nito ang paglilinis ng mga kanal at estero sa pamamagitan ng pag-aalis ng basura na nakabara sa mga daanang tubig ganun din ang paglalagay ng kemikal na larvaecide sa mga tubig kanal na syang pipigil sa pagdami ng mga kiti-kiti na pinagmumulan ng lamok na may dalang dengue ganun na din ang pamamahagi ng mga information leaflets kontra dengue sa mga barangay at paaralan.
Sa malawakang simula ng clean up drive, nanawagan si Governor Vi sa kanyang mga kababayang Batangueno na huwag gawing ningas kugon ang aktibidad na ito kundi gawing isang regular na gawain at resposibilidad ng mga kumunidad.
Dahil dito isusulong ng Pamahalaang Panlalawigan, katuwang ang Sangguniang Panlalawigan ang isang resolusyon na magpapatibay sa sakop at regularisasyon ng paglilinis at pagtalima sa proper waste segregation na syang magbabawal sa bastang pagtatapon ng basura sa mga kumunidad.
Patuloy pa rin ang panawagan ni Governor Vi na gawing responsibilidad ng mga mamamayan na linisin at bantayan ang katatayuan ng kalusugan sa kanilang lugar sapagkat ayon sa kanya “ walang katapat na gamot ang dengue kundi kalinisan, linisin ang kapaligiran, Tapat ko linis ko para sa maayos at malinis na pamayanan”. / Edwin V. Zabarte/ OPG-PIO