Malapit na naman ang mga tapusan sa barangay. Mabenta na naman ang mga rentahan o pagawaan ng gowns at barong. Bongga na naman ang raket ng mga makeup artists dahil malapit na naman ang mga sagala sa barangay dito at barangay doon.
Sino sa mga Reyna ng Sagala ang pinakapansinin sa lahat? Kilala mo ba silang lahat? Mag-roll call muna tayo ng mga Reyna ng Sagala o tinatawag ring Reyna ng Santacruzan.
In order of appearance (parang pelikula lang, haha):
Reyna Banderada – may hawak na tatsulok na bandera
Reyna Mora – sumisimbolo sa mga Pilipinong nagpaconvert sa Islam
Reyna Fe – may hawak na krus; sumisimbolo sa pananampalataya
Reyna Esperanza – may hawak na anchor (hindi yung gatas); sumisimbolo sa pag-asa
Reyna Caridad – may hawak na pulang puso; sumisimbolo sa pagkakawang-gawa
Reyna Abogada – nakasuot ng itim na toga at may hawak na libro; ang tagapagtanggol ng mga mahihirap at naaapi
Reyna Sentenciada – ang reynang nakatali ng lubid ang kamay; sumisimbolo sa mga Kristiyanong naging martir dahil sa pananampalayata
Reyna Justicia – may hawak na timbangan at espada; kumakatawan kay Maria bilang salamin ng hustisya
Reyna Judit – ang pinakamalupit sa lahat — may hawak na pugot na ulo at espada; si Judith ang nagligtas sa Bethulia, ang kanyang siyudad, nang mapatay nya si Holofernes ang heneral na namuno sa pananakop
Reyna ng Saba – may hawak na jewelry box; ang Reyna ng Sheba na namangha sa yaman at talino ni Haring Solomon
Reyna Ester – may hawak na scepter; a.k.a the “Jewish Queen of Persia”
Reyna de las Estrellas – ang reyna ng mga bituin; pang fairytale ang drama ng isang ito, may hawak na wand na may bituin sa dulo (ang tanging Reyna ng Sagala na nagampanan ko, haha)
Reyna dela Paz – may hawak na kalapati; ang reyna ng kapayapaan
Reyna de los Profetas – may hawak na hourglass; ang reyna ng mga propeta
Reyna del Cielo – may hawak na bulaklak at may kasamang dalawang anghel; ang reyna ng kalangitan
Reyna de las Vírgenes – may hawak na rosaryo o lily at may kasama ding dalawang anghel; ang reyna ng mga birhen
Reyna de las Flores – ang may hawak ng mas maraming bulaklak dahil sya ang reyna ng mga bulaklak
Reyna Elena – ang reyna ng Constantinople na nakakita sa True Cross; sya ang pinakamagandang reyna sa lahat ng reyna ng sagala; ang escort nya ay isang batang lalaki na kumakatawan sa Emperor ng Constantinople.
Ang Sagala ang isa sa mga pinakaaabangang pangyayari tuwing May. Kung dati ay para lamang ito sa mga babae, ‘wag ka nang magulat kung pati ang mga kapatid nating bekis ay rumarampa na rin bilang mga Reyna ng Sagala. Haha, bongga.
PHOTO CREDIT: www.lovelyphilippines.com