Matapos maisaayos at mabawasan ang mga illegal na fish cages sa Taal Lake, pagtutuunan ng pansin ng Pamahalaang Panlalawigan ang iba pang mga kaganapan na pinaniniwalaang nakaka apekto sa kundisyon ng tubig sa lawa.
Partikular na tinukoy sa isang pagpupulong sa pagitan ng mga kinatawan ng Batangas Egg Producers Association at United Hog Raisers of Batangas at opisyal ng Provincial Government ang isyu ukol sa waste water na napapaulat na direktang itinatapon sa lawa na nagmumula sa upper river tributaries ng mga bayan na nakapaligid sa Taal lake at iba pang karatig bayan.
Pinamunuuan ni Batangas Governor Vilma Santos Recto at Task Force Taal lake Chairman Victor M. Reyes ang dayologo na naglalayong hingin ang ekspertong tulong at pakikiisa ng mga may –ari ng malalaking poultry at animal farm na ipakalat sa mga iba pang naghahayupan ang tamang waste disposal.
Sa harap ng mga major players sa larangan ng animal and poultry business sector, hinikayat ni Governor Vi na bukod sa patuloy na pagtulong sa pagtataguyod ng primerang poultry and meat products na gawa sa lalawigan, hiniling nito na maging isa sa mga pangunahing kabalikat ng lalawigan ang samahan sa pagtataguyod ng kalinisan ng lawa ng Taal.
Ito umano ay bunsod na rin ng kanilang malawak na ekperiyensya at ekspertong kaalaman ukol sa tamang pamamalakad ng malalaking animal farms na makakatulong sa mga backyard farmers at iba pang mga nagsisismulang mga magsasaka ukol sa waste water treatment and disposal sa pamagitan ng septic tank system at methane gas collection facility.
Ayun sa pag aaral at datus na inilabas ng DENR, bukod sa mga dumi na naiiwan ng mga fish cages, lumabas sa pag-aaral na isa rin sa malaking dagdag sa pagbaba ng kalidad ng tubig sa lawa ay ang mga dumi at tubig na direktang pinaagos mula sa ibat-ibang establisimiyento tulad ng mga subdibisyon, commercial industry at animal farms na malapit sa mga ilog na karugtong sa Taal Lake.
Sa pagsisimula ng pagsasaayos, magsasagawa ng malawakang inspeksyon ang mga kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan at DENR-CENRO sa mga animal farm upang tukuyin ang mga dapat isaayos at pagandahin ang kundisyon ng kanilang sewage system.
Ayon kay TFTL Chair Vic Reyes, ang isasagawang inspeksyon ay hindi nangangahulagan na ipasasara ang mga poultry at piggery farms kundi ito ay isang hakbang ng pagsasaayos ng kanilang farm system, na makakatulong hindi lamang sa lawa kundi sa komunidad na kanilang nasasakupan.
Sa pagtutulungan ng dalawang sektor, ipinaabot ni Governor Vi sa poultry and animal industry ang kanyang tugon sa larangan ng pagpapalakas ng produksyon at mabisang transportasyon ng kanilang produkto sa pamamagitan ng pakikipag-uganayan sa mga LGU’s na tangkilikin ang sariling produkto ng Batangas ganun din sa mga karatig lalawigan sa bansa. / Edwin V. Zabarte-PIO Batangas.