Sa sementeryo o libingan iba’t iba ang mababasa nating “epitaphs”. Karaniwan nating mababasa ang mga katagang (SLN) Suma-Langit Nawa o kaya naman ay (RIP) Rest in Peace. Nakakagulat na sa libingan ng isang hindi naniniwala sa Diyos ay may nakasulat na ganito: “Here lies an atheist. All dressed up, but no place to go”. Sa libingan naman ng isang abugado, “Here lies a lawyer who lies no more.” Kung ako naman ang tatanungin at susulat sa libingan ni Hesus maaring ganito naman ang masusulat: “Jesus was here, but not anymore for He is truly risen.”
Walang laman ang libingan pagkat si Hesus ay totoong muling nabuhay. Hindi Sya maaring manatili sa libingan sapagkat napagtagumpayan Niya ang kamatayan ayon sa Kanyang ipinangako. Ginapi niya ang kapangyarihan ng kamatayan at tinamo ang tagumpay para sa ating kaligtasan. Ang libingang walang laman ay hindi isang kawalan kundi isang patunay ng pagtatagumpay ng Diyos sa kamatayan at kasalanan ng tao.
Ipinaglaban tayo ni Hesus at Siya ay nagtagumpay. Nilabanan niya ang karahasan hindi sa madugong paghihimagsik kundi sa pagkukusa Niyang pagyakap ang krus. Nilabanan niya ang kapalaluan ng tao sa paraan ng kaamuan at kababaang loob. Nilabanan niya ang kasinungalingan at pandaraya sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan. Nilabanan din niya ang kapangyarihan ng kamatayan. Namatay Sya ngunit muling nabuhay.
Sa puso ng bawat tao, itinutuloy ni Hesus ang laban sa kasamaan sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang lahat ng kasamaan na nag-uudyok sa taong gumawa ng bagay na masama. Huwag sana nating kalimutan na kung si Hesus ang laman ng ating mga puso, walang laban na hindi natin kayang pagtagumpayan. Kung ang libingang walang laman ay simbolo ng pagtatagumpay ng Diyos laban sa kasamaan at kamatayan, ang pusong walang Kristong muling nabuhay ay tanda naman ng kawalan at kabiguan.
(Lifted from SAMBUHAY Misalette by Fr. Emil A. Urriquia)