Ang isang hindi maikakailang katangian ng isang Batangueño ay ang pagiging malikhain. Sa aming paglilibot sa lalawigan ng Batangas, nakakatagpo kami ng mga ganitong tao na aming hinahangaan at ipagmamalaki. Atin pong kilalaning mabuti ang isa sa ating kababayan na mahusay sa pagguhit at pagpinta, si Ginoong Jorge Banawa na mula sa bayan ng Taal, Batangas.
Galing sa isang simpleng pamilya si Jorge at bata pa lamang ay hilig na nya ang gumuhit. Dinala nya ang hilig na ito sa pag-aaral at nakapagtapos sya ng kursong Bachelor of Fine Arts (Major in Painting) Sa UP Diliman. Lahat ng gamit sa pagpipinta (oil, acrylic, water color, graphite, atbp) ay kanyang kinabisado at ilan sa kanyang mga likha ay pagmamay-ari na ng mga kilalang tao sa Pilipinas habang ang iba pa ay umabot na sa ibang bansa. Ilang taon na ang nakakaraan, isa sya sa mga nagtatag ng Grupo Sining Batangueño.
May takot sa Diyos at mapagmahal sa bayan – ilan sa mga katangian ni Jorge na makikita madalas sa kanyang mga ipinipinta.
Nakilala namin si Sir Jorge bilang isa sa mga nagtatag ng Grupo Sining Batangueño (GSB), isang samahan ng mga artists dito sa atin. Tumatak sa aming isip ang mga guhit nya ng babae na walang mukha – mga dalagang Pilipina, mga babaeng naka-Filipiniana, at mga bayani sa kasaysayan ng Pilipinas. Inaanyayahan ng pintor ang mga makakakita ng kanyang mga ipininta na makita ang kabuuan ng larawan at hindi lamang ang mukha ng babae.
Kasama ang GSB, nagtuturo sila sa mga kabataan na nais matuto ng pagpipinta. Minsan din ay tumutulong sila na gumawa ng mga disenyo para sa mga kaganapang pang-kultura dito sa atin. Ano pa nga ba at kahit maraming ginagawa ay hindi nila nakakalimutang tumulong sa pagpapalawig ng kasaysayan at kultura ng Batangas at Pilipinas.
Isa sa mga proyekto ni Jorge ngayon ang pagpipinta ng mga babae sa ating kasaysayan. Kasama sa kanyang mga ipinakita sa amin ang mga larawan ni Marcela Agoncillo at Gliceria Marella Villavicencio.
Napakahusay din ng ilan sa kanyang mga larawan na pang-exhibit. Palagiang makikita sa kanyang mga larawan ang guhit ng ibon (kalapati) na sumisimbolo sa kalayaan. Heto ang painting ng isang rosas na kung saan ay binubuo ng mga talulot na ibon.
Sa kanyang simpleng paraan ng pagpapa-alala sa ating henerasyon ng mga aral mula sa ating kasaysayan, sa paraang malikhain at nakakahalina sa mga manonood, di nga ba’t para na rin syang isang bayaning ipinaglalaban ang kultura nating mga Batangueno at Pilipino?
I-email lamang kami sa help(at)wowbatangas.com para sa inyong mensahe para kay G. Jorge Banawa.