Isang 76 na taong bahay sa Batangas City na pag-aari ng isang prominenteng residente dito at tinuturing na alagad ng sining ang ngayon ay nagsisilbing lugar na pinagdadausang ng iba’t ibang cultural activities, workshops at performances.
Ito ay ang bahay ni Atty. Antonio Pastor na matatagpuan sa C. Tirona corner ng D. Atienza Street. Ito ay kanyang binili at pinaayos upang maibalik sa orihinal nitong disenyo.
Sa pagdiriwang ng Arts Month noong February, isang exhibit na tinaguriang “Si Tonying at ang Sining sa Lungsod ng Batangas,” ang ginanap dito sa inisyatibo ng Cultural Affairs Committee ng pamahalaang lungsod bilang isa na ring pagpupugay kay Atty. Pastor sa kanyang pagiging alagad ng sining at sa kanyang kontribusyon sa pagpapalago ng kultura sa lungsod.
Tampok sa exhibit na binuksan noong February 28 ang paglago ng sining sa ilalim ng liderato ni Mayor Eduardo Dimacuha at ang kasaysayan ni Atty. Pastor bilang isang BAtangueno artist.
Ayon kay Ka Tonying na miyembro rin ng Cultural Affairs Committee, hangad niya na makita ng mga kabataan sa kasalukuyan at ng mga susunod pang henerasyon ang naturang bahay at malaman nila ang kasaysayan at ang paraan ng pamumuhay noong una.
Idinagdag pa niya na maswerte ang lungsod sa pagkakaroon ng isang pinunong kagaya ni Mayor Dimacuha na nagpapahalaga sa sining at kultura.
Dumalo bilang kinatawan ng Mayor sina ABC President Vilma Dimacuha at Councilor Marvey Marino kung saan ipinaabot nila ang kanilang pasasalamat kay Atty. Pastor sa malaking tulong at naiambag nito sa pagpapayaman ng sining sa lungsod.
Ang viewing ng exhibit ay tatagal hanggang ika-5 ng Marso mula ala una hanggang alas otso ng gabi.
Ulat mula kay: Ronna Endaya Contreras, PIO Batangas City