Walang Katolikong sumasamba sa imahen, ang mga Katoliko ay Diyos lamang ang sinasamba.
Pinamimitagan ang tawag sa bukod tanging pagbibigay galang sa mga imahen na sumisimbolo sa paniniwalang lubos. Ito’y isang paraan upang makapiling, magunita at makadaop ang kabanalan ng dakilang Panginoon at ang kanyang mga Santo.
Tuwing Miyerkoles Santo sa Lipa ay may isang ritwal na taimtim at taos-pusong dinaraos sa burulan ng Katedral – ang pag-suob at ang pagpapaligo ng langis sa Santo Entierro. Sa loob mismo ng tuklong ng burulan ay may malaking kulandong, isang kubol na may tatlong metro ang taas, haba at lapad na puting-puti. Bagamat nakababa ang habong, kung papasukin ang loob ng kulandong ay may mahabang hapag na paglalalayan ng ng Santo Entierro para sa suob at paliligo ng langis.
Naroroon din sa silid ang mga deboto’t masusugid na lingkod. Ang iba ay naroon upang magdasal, ang iba naman ay andun upang manilbihan at tuparin ang taunang ritwal. Ang mga nagpupunta sa loob ng kulandong ay nagyayapak sa banal na lugar. Sinindihan na rin ang uling na gagamitin sa suob, nagsimula ng balutin ng usok ang kapaligiran.
Bukod tangi dun sa pamimitagan ay ang kabataang si Maria Cresencia Toribio o “Sen” na siyang magpapaligo ng langis at nanganay magdadamit sa santo. Minana pa niya ang gawaing ito mula sa kanyang lola na si Emma S. Toribio, isang kinikilalang manggagamot mula sa barangay Latag. Walong taong gulang pa lamang si Sen ay dinala na siya ng kanayang lola, at taon-taon na niyang nasasaksihan ang ritwal at nung nawala nga ang kanyang lola ay si Sen na nga ang humalili at tumupad simula pa noong taong 2010. Kasama niya sa pagtupad at pagsisilbi sa dakilang gawain si La Katigbak at ilang piling ng katdral ng Lipa.
Hudyat sa pagsisimula ang maliit na pagtitipon ng mga lingkod sa loob ng puting kubol, nakayapak, tumungo at umusal ng dasal. Mayamaya’y nagpunta sa salaming himlayan at maingat na inilalabas ang imahen ng patay na katawan ni Kristo patungo sa loob ng puting kulandong at inilatag sa mahabang mesa. Nagsimula na ang matandang ritwal na taunang ginaganap mula pa noong panahon ng mga prayle.
Sa likod ng gawain ay maririnig ang sabayang panalangin mula sa bibig ng mga naroroon. Isang pagdarasal tungkol sa pagsisi, adorasyon at paghiling sa dakilang pag-aalay ni Jesus ng kanyang buhay sa sansinukob.
Isang oras mahigit susuobin ang imahen na nakaputing mahabang damit. At habang nakababa ang habong ng kubol ay binalot na to ng maputing usok. Usok na nagpapahiwatig ng isang misteryo at pagkamangha. sa paglutang ng usok ay inuugnay nito ang langit at lupa. Ito ay isang paalala ng matamis na presensya ng ating Panginoon. Ang paggamit nito ay nagdaragdag ng isang pakiramdam ng solemnidad ng ritwal. Ang biswal na imahe ng usok ay sumasagisag sa kasigasigan ng pananampalataya. Sa isang oras na yun, ang mga mananampalataya ay maaring paisa-isang pumasok sa loob ng kulandong. Ang karamihan ay humihipo sa imahen, sa kamay, sa paa, yumuyukod at bumubulong ng personal na panalangin. Sa balot ng usok mala-panaginip kung masasaksihan.
Halos sabay ang pagkaubos ng uling ng suob at ang paglipas ng isang oras mahigit, noong halos wala ng usok, lumapit at hawakan ang imahe.at itinaas na ang habong ng puting kubol. Kita na ng lahat ang nakahimlay na imahe ng patay na manunubos na nakalatag sa hapag. Halos sabay-sabay na ring pumasok ang mga linkod na pinagunahan ni Sen. Inilabas na rin ang palanggana, tuwalya, tabo, at langis. Ang langis ay binubuo na pinaghalong lambanog, langis pambata, banal na balsamiko, agua colonia at agua florida.
Papaliguan na ang katawan. Inangat mula sa hapag ang katawan at unti-unting hinuhubaran dun sa parteng binuhusan ng langis. Unang binuhusan ni Sen ang mukha, sinunod ang katawan na timo’y isang inang nagpapaligo ng sanggol. Maingat at may pagmamahal.
Sinasalok ang langis mula sa isang timba at ang sinasahod naman ng palanggana ang langis na pumapatak mula sa katawan. Matapos ang pagbubuhos ay dinampian ng tuwalya. Sinunod ang pagkuskos ng bulak na binabad sa langis ang buong katawan, likod at harap. Nilinis at pinag-ingatan.
Kuminang ang kalatagan ng imahe at muling ibinaba upang damitan. Ilang patong na damit ang isinuot sa Santo at pagkatapos nito, ay iniltag muli para masdan at suriin kung meron pang dapat isa-ayos at gawin.
Isinaayos na rin ang himlayang kristal ng poon, pinalitan ng bago ang lahat ng nasa loob mula sa puntas hanggang sa balot. Iniangat ng piling iilan ang mala- prusisyong ipinasok na muli ang Santo sa loob. Natapos na rin ang tuluyang pagdrasal. Nung sigurado ng maayos ang lahat sa loob ng puntod, isinarado at kinandado na ito muli. Natapos na ang ritwal.
Nang matapos ang ritwal ay isa-isang isiniayos ang pinag-gamitan. Bukod tangi ang langis at bulak na siyang inihiwalay, sa yugtong ito, nagsilapitan ang mananampalataya, nagbigay ng tamang sisidlan at humiling na lagyan ang kani-kanilang bulak na may babad ng pinagpaliguang langis na pinaniniwalaang nakaka-galing.
Nagtapos ang gawain sa tuklong ng burulan ng ipinasok na muli ang Santo Entierro sa loob ng Katedral.
Panulat at Larawan ni Joel Mataro