Naranasaan mo na bang bumahagi ng produkto? Isa na ata ito sa mga nakatutuwang kulturang buhay na buhay pa din dine sa atin sa Batangas. Isa sa mga nagpapatunay kung gaano kadiskarte at kabait ang mga Batangueño.
Nanariwa sa akin ang kultura ng pakikibahagi noong huli kong punta sa Bayan ng Balete, Batangas at saktong naaktuhan ko ang mga grupo ng mangingisdang kasalukuyang nag aahon ng kanilang huling tawilis mula sa laot. Napansin ko din ang mga nakaabang na taong akala ko noong una ay mga nag aangkat ng pambenta nila sa mga lokal na pamilihan.
Maya maya pa’y nalaman kong naroon sila upang bumahagi ng isda. Kabilang na sa atin ang kultura ng pagbahagi kung saan nagbibigay tayo ng halagang kaya ng atin bulsa kapalit ang mga produktong nais nating bilhin. Nakapag tanong tanong ako kung bakit mas nais nilang makibahagi kaysa bumili sa mga pampublikong pamilihan at ilan sa kanilang mga dahilan ay : (1) Mas nakakatipid sapagkat makabibili ka ng kaya ng iyong bulsa. (2) Mas higit sa mas marami ang iyong mabibili dahil mas mura ito. (3) Nakasisiguro kang sariwa ang mabibili mo, ika nga nila “rekta ka sa source”. (4) Nakatutulong ka sa mga lokal na mamamayan ng isang kumunidad dahil direkta kang bumibili ka kanila.
Nakatutuwang isiping buhay na buhay ang mga nakagawian natin na tulad nito kaya namin nakibahagi na rin ako at sa halagang (P100) isang-daang piso ay higit sa (2) dalawang kilong tawilis ang aming napaghati-hatian ng araw na iyon.