Papasok na ang tag-ulan pero hindi pa rin naalintana ng manaka-nakang ulan ang pagdiriwang ng mga Lipeño sa anwal na Flores de Mayo na pinangunahan ng Lipa City Tourism Council (LCTC) sa Plaza Independencia, Lipa City noong Sabado, Mayo 25.
Ginunita ang mga Reyna ng Flores de Mayo sa katauhan ng mga kandidatang kalahok sa Miss Lipa Tourism 2019. Ang mga kasuotan naman ay naging isa sa mga katingkaran ng pagdiriwang dahil tampok nito ang mga likha ng mga dibuhante at sastre ng Designers Circle Philippines (DCP), isang opisyal na samahan ng mga nationally at internationally award-winning designers sa buong Pilipinas.
Naimbitahan din sa selebrasyon si Ms. Tourism International 2017 beauty queen na si Jan-jannie Loudette Alipo-on na sinundan sa prusisyon ng mga reigning title-holders ng Ms. Lipa Tourism 2018 na sina Kris Melissa Malabanan, Nicka Comia, at Christine Aubrey Cruz.
Bagaman at napaka-enggrande ng Flores de Mayo na napasinayahan, hindi pa rin binalewala ng organizers ang kahalagahang pinakanais dalhin ng pagdiriwang.
“Para sa mga devotee ni Vigin Mary, gusto namin ‘yon bigyang importansya dahil kasama naman talaga s’ya sa kultura ng Lipa, na religious. Hindi iyon maaalis. Para naman sa mga hindi Katoliko, I’d like to think that we respect culture and heritage dahil nakagawian na ito at nakapailalim na sa kulturang Lipeño.”
Ang Flores de Mayo na naganap ay isang parte sa programa ng Miss Lipa Tourism 2019 na inaasam na makoronahan sa parating na buwan ng Hunyo.
Mga larawan ni Jeremy Mendoza at Sheila Mae Comia