Ang panuluyan bayan ay isang tradisyonal na dula bago magpasko na patungkol sa paghahanap ng matutuluyan nina Birheng Maria at San Jose sa Herusalem at ang pagsisilang kay Jesus sa sabsaban. Ito ay isa sa mga kulturang muling binuhay sa Lipa City, Batangas kahapon, ika-23 ng Disyembre 2019.
Isa pa sa nakakatuwang bahagi nito ay ang mga aktor na nakilahok ay mula sa iba’t ibang barangay ng Lipa. Hinimok nila ang ilan sa mga Barangay Councilors at mga kabataan upang mas maintindihan nila ang diwa at totoong ipinagdiriwang natin tuwing kapaskuhan, ang pagsilang kay Hesukristo.
“Mahalaga na ibinabalik natin yung mga kaugalian noon para mas mapalapit tayo sa panginoon na syang naglitas sa atin at maalala ng tao ang tunay na diwa ng pasko” – Elizabeth Katigbak Lozano (President | Lipa City Tourism and Museum Council)
Kasunod naman nito ay ang awarding ng “Paistaran”, isang patimpalak sa mga barangay ng Lipa kung saan kailangan nilang magpadamihan ng parol sa kani-kaniyang barangay. Bukod sa napaganda nito at mas nadama ng mga Lipeño ang pasko, naging daan din ito upang makapagbonding ang bawat barangay at makatulong sa kalikasan dahil gawa sa mga recyclable materials ang mga parol.