Below is the latest update on the repair and rehabilitation of Calumpang Bridge in Batangas City. This is a press release from the Public Information Office, Batangas City Government. (Photo Credit: Neil Minosa)
PRESS RELEASE
Public Information Office
November 26, 2010
Funding at Repair ng Calumpang Bridge Tinalakay
Upang malinawan ang tunay na kalagayan ng Calumpang Bridge at matukoy kung sinong ahensya ang magpapagawa nito, nagpatawag ng pagpupulong si Mayor Vilma Abaya Dimacuha sa mga konsernadong ahensya at media practitioners noong ika-25 ng Nobyembre sa City Mayor’s Conference Room, City Hall Complex.
Dumalo sina Engr. Divina Huang at Mr. Nicasio Antonio. ng 2nd District ng Batangas, department of Public Works and Highways (DPWH) bilang kinatawan ni District Eng. Wilfrido Oroles.
Kinatawan ni City Administrator Phillip Baroja si Mayor Dimacuha kasama sina Engr. Adela Hernandez, City Engineer; Architect Maria Fe Vellon ng Transportation Development and Regulatory Office o TDRO at Engr. Francisco Berredo, OIC ng DSS.
Sa isyu ng kung kaninong responsibilidad ang pagpapagawa ng naturang tulay, ayon kay Engr. Huang wala silang mapagkitaan ng plano at turn-over ng pagawaing ito sa opisina ng DPWH. Sa buong Pilipinas, may 7,160 tulay at lahat ito ay may Bridge ID. Aniya wala sa listahan ang Calumpang Bridge.
Mandato sa DPWH ang pagpapagawa ng mga city at national roads, bridges, waterways at flood control projects.
Masasabing isang national project ang tulay kung ito ay nakakonekta sa isang national road, dagdag pa ni Huang. At ang Calumpang Bridge ay nakakonekta sa Don Manuela Pastor Avenue na hindi pa rin naiturn-over sa kanilang opisina. Bagamat ito ay ginawa ng DPWH Regional Office, masasabing wala pa sa kanilang jurisdiction ito.
Dahilan sa walang mapagkitaan ng plano at implementasyon ng naturang proyekto, ayon kay Huang ay nagsagawa sila ng conversion, kabilang dito ang inventory at inspection.
Sa kaso ng Calumpang Bridge, hiniling NI Oroles na personal itong bisitahin ni Engr. Rufino Valiente ng Bureau of Design, DPWH Central Office noong noong nakaraang Hunyo. Dito nakita ang mga cracks sa unahang bahagi ng tulay patungong SM Pallocan West. Tinataya na P20M ang halaga ng repair.
Ani Huang, mahalagang dokumento ito upang maaprobahan ng budget . Naisumite na nila ang papeles sa Planning Division ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa naturang dibisyon ng planning , dadaan ito sa Director at pagkatapos ay sa DPWH Assistant Secretary , Undersecretary ng DPWH at Department Secretary. Ayon kay Huang, maximum na 5 working days bawat isang lebel at umaasa siya na hindi magtatagal at maiiakyat ito sa ahensya na magpupundo nito sa halagang P20M.
Ayon kay Baroja, tagapatnugot ng pagpupulong, kailangan ay may mga safety measures upang maiwasan ang trahedya na nangyari sa Bridge of Promise na ikinaputi ng dalawang buhay bunga ng pagbagsak ng tulay sa kasagsagan ng bagyong Santi.
Nauna rito ay ginawang one way ang tulay para sa mga motorista. Binabantayan na rin ng mga tauhan ng Defense and Security Services ang naturang tulay sa gabi at medaling araw upang maiwasan ang pagdaan ng mga heavy trucks na maaaring magdulot ng tuluyang pagkasira ng tulay.
Ipineresenta rin ni Huang ang estado ng sira ng tulay.Idinorowing niya ang apat na girder kung saan nakapatong dito ang tulay. Nakatakdang sukatin ng grupo ni Huang ang distansya ng second girder sa first girder na dulo ng tulay papuntang SM. Ang unang girder aniya ay marami nang cracks kung kayat kung hindi maiingatan ang 2nd girder ay baka medaling bumigay ang iba pang bahagi ng tulay. Maglalagay ang TDRO ng barrier simula 2nd girder para sa mga dadaang mga behikulo. Iaadjust ang barrier para mapangalagaan ang tulay.
Two-lane na simula November 26
Kaugnay nito dagliang nagsagawa si Mr. Nicasio Antonio ng pagsusukat. Simula ika-26 ng Nobyembre, two lane na ang Calumpang Bridge. Ayon kay Antonio, kung one lane, mas malakas ang vibration ng mga sasakyang nagmamadali palabas ng tulay. Samantala kung ito ay two lane, mahina ang vibration na makatutulong upang hindi makadagdag sa crack ng tulay.
Napagkasunduan din na total closure of the bridge kapag may napakalakas na bagyo. Ayon kay Engr. Hernandez, may inilagay silang alert level sa gilid ng seawall upang magbigay babala sa pagtaas ng tubig sa Ilog Calumpang.
Habang hinihintay mula sa national government ang funding ng naturang tulay, patuloy na magiging bukas ang komunikasyon sa pagitan ng pamahalaang lungsod, DPWH at media upang mawala ang agam agam ng publiko sa kondisyon ng tulay.
Ang Calumpang Bridge ay isang main passageway at isa sa connecting links para sa pagyayao’t dito sa city proper at southeastern na bahagi ng lungsod. (Letty Chua, PIO Batangas City)