Kilala bilang pinakamalaking simbahang katoliko sa timog silangang Asya ang Basilika ni San Martin ng Tours. Ang 96 metrong taas at 45 metrong haba na simbahan ay nakatayo sa pinakapuso ng Bayan ng Taal, Batangas.
Mas kilala din ito sa tawag na Taal Basilica at naging puntaheng-puntahe na ng mga deboto at turista na pumaparne sa atin. Ang simbahang ito’y huli pang isinaayos noong 1856 sa pangangalaga ni Fr. Marcos Anton at superbisyon ni Architect Luciano Oliver.
Ayon kay Chairman Rene Escalante ng National Historical Commission of the Philippines ay nasa mandato ng kanilang ahensya ang pangangalaga sa mga heritage sites tulad nito. Kadalasan ay nakadepende sa lebel ng klasipikasyon ng isang istruktura kung alin ang mauunang ipapagawa.
Dahil sa sunod na sakuna dine sa atin tulad ng serye ng paglindol at pagputok ng Bulkang Taal ay naisakatuparan ang pagsasaayos nito. Unang bahagi pa lamang ng taong 2019 ay nagsisimula na ang konstruksiyon nito at nalalapit na ang pagtatapos ng pagsasaayos nito ngayong Nobyembre.
“First, we stabilized the reinforced adobe walls and consolidated the rubble core inside by applying the basic principle of conservation where we injected limes to strengthen the walls. Nagkaroon din kami ng repointing para sa mga gap in between ng Coral Stones at Adobe Stones para mas tumatag ang stability ng structure ng simbahan. We also removed the cement plasters and paint applied decades back to expose the stone walls. We also had a total re-roofing ng buong simbahan, inayos din ang mga pintuan, bintana at mga wooden decorative moldings. Isinaayos din namin ang ilan sa mga paintings at artworks sa loob ng simbahan.
Ang simbahan ng Taal Basilica ay hindi lamang namin itinuturing na pamana ng ating nakaraan para sa mga taga Batangas kung hindi ito’y pamana sa ating bansa. This is not an ordinary house of worship. This is a Cultural Treasure. This is a masterpiece that should be preserved. This is a living testament of how good builders Filipinos are.”
– Chairman Rene Escalante | NHCP
Ayon din kay Chairman Rene Escalante ay nais din nilang makatulong sa pagsasaayos ng Archdiocesan Shrine of Our Lady of Caysasay na lubhang napinsala din ng nakaraang serye ng paglindol.
Tunay na nakabibighani ang ganda ng Taal Basilica at nakamamangha din kung gaano katibay ang istruktura nito at kung paano nito nasaksihan at napagdaanan ang mga kaganapan na naging bahagi ng ating kasaysayan. Kaya hindi maitatatanggi na ito’y bahagi na ng ating pagkakakilanlan bilang mga Batangueño at nararapat lamang na bigyang halaga.
Larawan ni Joel Mataro at CJ Hawak