Hindi lahat ng nakaraan dapat nang kalimutan dahil ang iba, mahalaga sa kasaysayan at kultura.
Habang nag-iikot ako sa plaza ng Balete bilang bahagi ng Batangas Bukid Photowalk, tinawag ang pansin ko ng dalawang batang babae na wari mo’y may tinatahi.
Sa paglapit ko, ako’y natuwa sa aking nakita sapagkat bihira na sa bata ngayon ang maglalaan ng oras para gawin ang kanilang ginagawa – bracelet at necklace na gawa sa halamang Santan. Ngayon na lamang uli ako nakakita ng mga batang naglalaro at gumagawa ng ganito.
Saglit akong nakipagkwentuhan sa mga bata upang alamin ang dahilan kung bakit ganoon ang kanilang napiling laro. Ayon sa kanila, matalik silang magkaibigan at malimit nila itong gawin dahil ito ang kanilang alam para libangin ang kanilang sarili.
Masayang balikan ang nakaraan lalo na ang mga simpleng bagay na nagpapasaya sa atin – kasama ang matalik na kaibigan.
Panulat at larawan ni Christian Tejeresas