Dalawang taon na mahigit ang nakakaraan ng mas makilala ang Spoken Word Poetry Artist na si Antonio Bathan Jr. mula sa Barangay Loob, Mataasnakahoy, Batangas na naging Semi-Finalist sa National Talent Search na Pilipinas Got Talent. Isa sa mga pinakatumatak nyang mga likhang tula ay ang “Pakbet” at “Luna”.
Sa kasalukuyan ay isang Law Student si Antonio sa isang eskwelahan dine sa Lipa at patuloy na lumilikha ng mga obrang tula at kanta. Minsan na ring naging bahagi ng performances sa Wishbus kasama ang singer-songwriter na si John Roa.
At bago pa man tuluyang pumasok ang buwan ng Setyembre, pumukaw sa amin ang isang Spoken Word Poetry na kanyang ini upload sa kanyang Youtube Channel. At tulad ng pagpasok ng “Ber Months” nawa’y mabigyang pag
Aniya, ang kwento sa likod ng tulang “pagsubOK” ay ang napakaraming pagbabagong ating nakikita sa ating paligid at karamihan ng ating napapansin ay ang mga masasamang bahagi ng isang pandemya. Bagaman hindi natin dapat ipagwalang bahala ang COVID19 ay nais nyang ibihagi na ang kailangan natin ay makita din ang mga mabubuting bagay tulad ng paglaganap ng pagkakaisa at pagmamahalan sa mundo.
Tunghayan ang kanyang video dine:
Narine ang buong piyesa:
PagsubOK
Spoken Word Poetry ni Antonio Bathan Jr
Hindi ko na maalala ang dating itsura ng nakasanayan kong kalsada
Nakakapanibago, Nawala na ang ingay ng mga naglalarong mga bata at usok ng mga sasakyan tuwing umaga.
Tahimik pero napakadelikado, at wala tayong ibang pagpipilian
Ngayong ang mga bagay na ating nakahiligan ay nagdudulot na ng panganib
Kumakalat na ito sa di mabilang na lalawigan at di mapigilan ang patuloy nitong paglawig
Maaari ka nitong bisitahin nang walang ano mang pahiwatig, kahit kailan at kahit saan.
Humahaba na ang listahan ng mga dinalaw nitong katawan
Ngunit ang katotohanan ay kahit gaano ka kaingat ay hindi mo makakayanang kumawala sa epekto nitong hatid
Sapagkat kaya nitong ipagbawal ang paborito mong pagyakap at paghalik
Kaya nitong ikulong ang manlalakbay mong mga sakong sa loob ng isang silid
Ultimo ang mga pag-ubong dulot ng pagkasamid
At mga pagbahing dahil sa maalikabok na sahig
Ay kayang magtaboy ng mga tao na sayo’y nakapaligid
Kaya ka nitong ilayo sa mga taong mahalaga sayo
At may lakas itong nakawin ang pinakamasasaya at pinakamahahalagang pangyayari sana ng buhay mo.
Pero ano’t ano pa man, kaya natin ito!
Ang tanging kailangan ay pagkakaisa
Ano man ang lahi o kulay, lingwahe o estado mo sa buhay
Ano man ang pinag-aralan, edad o kasarian, tangkad o sukat ng katawan
Ano man ang relihiyon, rehiyon o saang panig ka man ng daigdig naroroon ay subukang tumingin-tingin sa paligid at maiisip
Na kahit gaano man katulin ang pagkalat nitong sakit ay higit na mas mabilis ang paglaganap ng pag-ibig.
Araw-araw alalahanin, na paabante palagi ang buhay sa pag-arangkada, at makakaranas ka talaga ng pagkadapa ngunit ang mahalaga ay may aral kang mapupulot sa lupa
Likas na sa atin na tumutulong ng kusa kahit may tumutulong mga luha
Nagsasakripisyo ang iba at handang malayo sa pamilya nila para lamang sa kaligtasan ng mga taong hindi naman nila lubos na kilala
Ang daigdig ay karagatang nasa gitna ngayon ng isang pandemya
, subalit iisa ang gusto
Hindi tayo ang magkakalaban sa ganitong uri ng yugto
Sabay-sabay nating labanan ang alon sa kahit saang direksyon man bumugso.
Sapagkat kahit iba’t iba man ang ating mga bansa, ay nag-iisa ang ating mundo.
At naniniwala ako na balang araw, gigising tayo sa isang magandang umaga, nakangiti, at matatapos na sa wakas ang isang mahabang gabi ng katakot takot na bangungot.