Maraming taon na ang nakakalipas nang magsimula ang gera. Maraming tao ang nagbuwis ng kanilang mga buhay upang ipaglaban ang kanilang pinaniniwalaan. Maraming ilaw ng tahanan ang nawalan ng asawa. Maraming mga bata ang nawalan ng ina.
Ang dating animo’y isang paraiso, ngayon ay wala na. Wasak ang mga gusali. Ang iba ay natabunan na ng buhangin. Ang iba ay tadtad ng bala. Walang bakas ng kahit ano mang ganda at saya.
Guho na kung tawagin ang lugar na ito. Isang lugar na dumanas ng napakaraming sakit at pighati. Isang lugar na saksi sa bawat pagdanak ng dugo. Isang nakakatakot at nakakaawang lugar.
Ngunit sa kabila ng lahat. Sa kabila ng pangit na itsura ng lugar na ito. Sa kabila ng lahat ng kalungkutan na mababakas dito. Sa kabila ng lahat ng sakit na idinulot ng matagal na digmaan. Sa kabila ng katotohanan na sira na ang lahat salugar na ito, makikita mo sa gitna isang matandang gusaling balot ng buhangin, ay isang bulaklak.
Isang napakagandang bulaklak na tumayo at pilit na nabubuhay pagkatapos ng gera. Bulaklak na pilit lumaban, tumayo, at naging isang mabango at magandang bulaklak sa gitna ng nakakatakot na lungsod.
Oo. Pangit, masama, at malungkot ang nangyari. Pero ang bulaklak na iyon ay nananatiling namumukadkad sa kabila ng lahat.
Moral Lesson: Ang buhay ay hindi perpekto tulad ng ating inaasam. Dadaan ang gera na maaring magpalugmok, magpalubog, at maaaring halos pumatay sa atin. Ngunit lahat ng gera ay natatapos din. Masakit kapag may nawala pero hindi importante yun. Mas mahalaga ay kung paano ka tatayo ng may lakas pagkatapos ng lahat ng sakit na pinagdaanan mo. Tulad ng isang bulaklak na nagpaganda sa isang lugmok na lungsod, ikaw din ay kayang tumayo at lumaban sa gera ng buhay. Tandaan “The flower that blooms in adversity is the most rare and beautiful of all.” ~ The Emperor (Pat Morita) in “Mulan” (1998).