Brgy. Talaga, Tanauan City, Batangas – Kaninang umaga, gaano man kalakas ang ulan at hangin dahil sa habagat, ay tuluyang binuksan muli sa publiko ang Museo ni Apolinario Mabini, ang kanang-kamay ni Emilio Aguinaldo at kilala bilang “Utak ng Himagsikan”.
Sa pangunguna ng National Historical Commission of the Philippines at sa tulong ng Lungsod ng Tanauan, ang dating nasisira ng gusali ay ginawang moderno na ngayon at magbibigay sa lahat ng pupunta rito ng pangkalahatang kaalaman sa buhay ng isa sa mga sikat nating bayaning Batangueno.
Sinimulan ang programa ng Punonglungsod ng Tanauan na si Antonio Halili, at sunod namang nagsalita ang Pangulo ng Pilipinas na si Benigno Aquino III.
Dinaluhan ang pagdiriwang na ito ng mga Mayor ng Batangas, mga kawani ng Kapitolyo ng Batangas, Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Vice Gov. Mark Leviste, mga kawani ng Pambansang Pamahalaan, mga kawani, guro at estudyante ng Lungsod ng Tanauan, at iba pang mga bisita mula sa lalawigan.
Pagpasok mo pa lamang sa mismong Museo ni Mabini ay mapapansin mong makabago, makulay at maganda na ang presentasyon ng mga datos at mga gamit patungkol kay Ka Pule. Maluwag, maliwanag rin at malamig sa loob, hindi gaya ng mga datihan ng museo.
Kapag humupa-hupa na ang ulan, magtungo na kayo sa pinakabagong museo ng Pilipinas at narito lang yan sa Batangas.