Tuwing naulan, bukod sa mamaluktot sa ilalim ng kumot, may isa pang masarap gawin na tyak na magpapagising sa parang natutulog na mantika mong diwa. Kumain.
Kumain ng hindi lang pagkasarap kundi pagkainit ring mga pagkain na kung babanatan mo agad pagkaluto ay paso ang dila mo. Swerte tayo dine sa atin gawa nang mga pagkaing tatak Batangueño na bukod sa nakakabusog na’y pampainit pa ng tiyan. Hindi na mangangaligkig sa lamig!
‘Comfort food’ kung tawagin ang mga pagkaing paborito mong kainin kung ika’y malungkot o kaya ay pagod. Areng mga are, literal na comfort food gawa nga ng ‘comforting’ sa tiyan at sikmura tapos ay masarap pa at kayang-kaya mong lutuin. Hindi ka na dadayo sa kung saang kainan lalo na kung inam sa pagbuhos ang ulan.
Ilan sa mga Batangueño dishes na perfect tuwing naulan ay ang walang kakupas-kupas na loming Batangas, ang ‘mautak’ na bulalo, ang simple pero rak na sinuam, ang malinamnam na goto, at sinigang na maliputo. Kung nakalimutan mo na kung paano lutuin ang mga are o hindi mo pa nasusubukang lutuin, ishe-share namin sa inyo ang mga recipes.
BULALO
Mga sangkap:
1 kilo ng bias ng baka
1 piraso ng malaking sibuyas (hiniwa)
tubig
patis at asin
pamintang buo
2 piraso ng beef cubes
2-3 katamtamang laki ng binalatan at hiniwang patatas
2-3 piraso saging na saba
2 piraso mais na may busil
1 buo repolyo (katamtamang laki)
1 bundle pechay
1/2 tasang dahon ng sibuyas na malalakiParaan ng pagluluto:
1. Linising mabuti ang karne ng baka.
2. Sa medyo malaking kaldero, magpakulo ng tubig. Ilagay ang karne oras na bumulak ito. Hayaang bumulak ang karne at maiging alisan ng bula ang ibabaw nito hanggang sa luminis ang kaldo.
3. Lagyan ng ilang pirasong pamintang buo at sibuyas.
4. Pahinain ang apoy hanggang sa tuluyang lumambot ang karne.
5. Pag malambot na ang karne, timplahan ng patis, asin at beef cubes ayon sa panlasa.
6. Sa isang kaserola, kumuha ng kaldo ng bulalo at palambutin ang mais, patatas, at saging na saba. Ilagay ang dahon ng pechay pagkatapos.
7. Ihain nang mainit para masaya ang tiyan.Source: My dad’s (Daddy Mags) recipe collection
Mga sangkap:
1/4 kilong lomi noodles (mike o flat)
1/2 tasang ulam na baboy (maliliit na hiwa)
1/2 tasang atay ng baboy (maliliit na hiwa)
1/2 tasang kikiam (maliliit na hiwa)
1/4 tasang meatballs o bola-bola
1 piraso ng malaking sibuyas
dinikdik na bawang
6-7 tasang chicken broth
1 kutsarang cassava flour
2 pirasong hilaw ng itlog
2 kutsarang mantika
2 kutsarang toyo
2 tasang tubigPara sa toppings:
Malutong na chicharon (maaaring dinurog)
2 pirasong itlog ng pugo o 1 pirasong nilagang itlogLihim na sangkap: Kaldo ng baboy
Paraan ng pagluluto:
1. Ihanda ang mga kakailanganing sangkap.
2. Ilaga ang lomi noodles sa kaldo ng baboy.
3. Igisa ang sibuyas at bawang sa hiwalay ng kawali. Hintaying maging brown ang kulay.
4. Ilagay ang atay ng baboy, laman ng baboy, kikiam, at bola-bola sa ginisang bawang at sibuyas. Lagyan ng toyo at kaunting tubig.
5. Ilagay ang nilagang lomi noodles sa kawali. Isama ang kaldo.
6. Takpan at hayaang kumulo hanggang ang sabaw ay maiga.
7. Ilagay ang cassava flour. Takpan uli at pakuluan hanggang sampung minuto.
8. Ilagay ang itlog at haluin. Wag pakuluan.
9. Ihain nang may kasamang chicharon, itlog ng pugo o hiniwang itlog sa ibabaw.Source: Drake and Jane Lomi House in Lipa City and en.petitchef.com
GOTO
Mga sangkap:
lamang-loob ng baka
buto-buto at kaunting laman ng baka (optional)
sibuyas
pamintang pino
beef cube
patis
kalamansi at siling labuyoParaan ng pagluluto:
1. Linising mabuti ang lamang-loob, buto-buto at laman ng baka. Alisan ng mga lamad at taba.
2. Magpabulak ng tubig sa katamtamang laking kaldero.
3. Ilagay ang mga nasabing parte ng baka oras na bumulak ng maigi ang tubig.
4. Pakuluan ng maayos at alisan ng bula sa ibabaw upang luminaw ang sabaw.
5. Pahinain ang apoy ng mahinang mahina hanggang sa lumambot ang goto.
6. Lagyan ng iba pang mga sangkap ang pinalambot na goto.
7. Hanguin ang goto at maglagay sa mangkok ng iba’t ibang parte na nanaisin. Buhusan ng pinabulak na sabaw.
8. Timplahan ng kalamansi, sibuyas, at sili.Source: My dad’s (Daddy Mags) recipe collection
SINIGANG NA MALIPUTO
Mga sangkap:
1 buong maliputong Taal
2 katamtamang laking bawang
2 katamtamang laking sibuyas
2 kamatis (optional)
sampalok na sariwa o Knorr cube o Sinigang Mix
luya
asin
paminta (buo o durog)
pangalawang hugas bigas
patis
sitaw
labanos
kangkong
gabi
siling pangsigangParaan ng pagluluto:
1. Pabulakin sa hugas bigas ang sariwang sampalok kung yun ang gagamitin. Kapag malambot na, salain sa strainer at katasin ang pinalambot na sampalok sa bugas bigas.
2. Kung instant mix ang gagamitin, pabulakin lang ang hugas bigas at ang nasabing mix.
3. Ilagay ang bawang, luya, sibuyas, kamatis, at gabi (kung meron).
4. Timplahan ng asin/patis at paminta at pabulakin sa mahinang apoy.
5. Habang pinabubulakan ang mga timpla, hugasang mabuti ang isda at timplahan ng konting asin at pamintang durog.
6. Palakasin ulit ang apoy at ilagay ang isda hanggangbumulak ulit. Pagkatapos ay pahinain ng mahinang mahina ang apoy ng 15 minuto.
7. Ilagay ang sitaw at labanos. Isunod ang kangkong bago patayin ang apoy.
8. Ilagay ang siling pangsigang kung meron.Source: My dad’s (Daddy Mags) recipe collection
SINUAM
Mga sangkap:
3-4 pirasong itlog
4 na tasang tubig
1 pirasong bawang na pinitpit
1 pirasong luya (hiniwa)
pamintang buo
asin
patisParaan ng pagluluto:
1. Sa isang kaserola, maglagay ng apat na tasang tubig para sa apat na pirasong itlog.
2. Lagyan ng bawang, luya, pamintang buo, at asin.
3. Pakuluin ang tubig at ilagay ang mga itlog. Mas maigi kung isa-isa lang ang paglalagay ng itlog upang masigurong hindi ito masisira.
5. Patayin ang apoy kapag nailagay na ang lahat ng itlog.
6. Maaaring timplahan ng patis ayon sa panlasa.Source: My dad’s (Daddy Mags) recipe collection
One comment
Pingback: The Maiden — WOWBatangas.com