Ngayong araw, ika-26 ng Abril, 2018 ay pinagdiriwang ng Bayan ng San Jose, Batangas ang kanilang ika-253rd taon ng pagkakatatag na may temang “Bagong San Jose, Bagong Milenyo”. Kaya naman iba-ibang programa ang kanilang inilatag sa tatlong araw nilang selebrasyon na sinimulan noong ika-25 ng Abril.
Isa sa mga highlights ng selebrasyon ngayon taon ang “Cull-derobo and Tam-is Itlog sa Bayan” Cooking Contest kung saan tampok ang kanilang pinagmamalaking itlog at manok na kung tawagin ay “cull”. Ang “cull” ang tawag sa paitluging manok na humigit na sa siyamnapung (90) linggo at mahina na ang produksyon nito ng itlog. Ang Cull ay magiging pangunahing sangkap sa kalderobo (kumbinasyon ng kaldereta at adobo) at ang itlog naman ang magiging pangunahing sangkap ng napiling panghimagas na nais ihanda ng mga kalahok.
Nagkaroon din ng tagisan sa pagandahan ng wall art o mural ang mga estudyante at guro ng iba’t ibang paaralan sa San Jose kung saan ipinakita ang kanilang pagiging malikhain sa pagpinta. Makikita ang mga ito sa paligid ng San Jose Gymnasium. Mayroon din mga nakatutuwang mosaic na gawa sa shell ng itlog na matutunghayan naman sa loob ng gymnasium. Libre ding nagbibigay ng pinagmamalaki nilang Sinuam sa loob ng gymnasium.