Breaking News

Ang mga Bida ng Pasko

Anong simbolo ng Pasko ang paborito mo?

Christmas Tree, Christmas lights, ang parol, puto bumbong at bibingka, simbang gabi, o ang mga foreigner sa listahan na sina Santa Claus, Rudolph, o Frosty the Snowman? Lahat sila bumibida tuwing Pasko. Lahat nagpapahiwatig na malapit na ang araw na pinakahihintay mo at ng buong mundo.

Ang Christmas tree habang tumatanda ang panahon, lalong nagiging cool at trendy. Ewan ko sa karamihan pero sa lahat ng simbolo ng Pasko, ang Christmas tree ang nabibigyan ng pagkakataon na ‘ma-make over’ kada taon. Minsan, nagda-downgrade, haha. Paunti nang paunti ang palamuti, marahil nagtitipid.

Isunod na natin ang mga kumukutitap na Christmas lights. Nakakaaliw yung mga tumutunog na Christmas lights tapos pagkalipas ng ilang oras parang pumipiyok na at nagiging sintunado. Maging ang Christmas lights pala ay marunong din mapagod ano?

Ang parol ay sumisimbolo sa talang nagturo ng landas sa Tatlong Haring Mago patungo sa sabsaban kung saan ipinanganak si Bro. Para sa akin, sumisimbolo ang parol sa pag-asa, sa katuparan ng mga kahilingan, at sa liwanag na gagabay para sa mga naliligaw ng landas. Sa loob ng maraming taon, may isang malaking parol na isinasabit ang tatay ko – ang aming pulang parol.

Simbang gabi. Kinukumpleto mo ga ang simbang gabi? Kahit gaano kalamig, kahit nakakatamad bumangon para sa 4am na misa sa loob ng siyam na araw, sige lang.

Puto bumbong o bibingka? May isang paboritong tindahan ng bibingka sa may Cultural Center sa Lipa City – ang Lover’s Lane. Kahit hindi Pasko, dinadayo yun dahil din sa masarap na salabat na kapartner ng bibingka nila.

Hindi ko alam kung kelan ko natanggap na hindi totoong kay Santa Claus galing ang mga regalo ko tuwing Pasko. Oo, isa rin ako sa mga taong pinaniwala na kung magbabait ako, pupunta si Santa Claus sa bahay namin para mag-iwan ng regalo na bubuksan ko sa umaga ng Pasko. Grade 6 yata ako nang mabuking ko na ang Santa Claus na tinutukoy ng nanay ko ay ang tatay ko. Hay.

Si Rudolph o si Frosty the Snowman? Kay Rudolph ang boto ko kasi gusto ko yung mga kwento ng mga api noong una tas magiging paborito ng lahat. Ikaw? Teka, meron ga tayong Pinoy na character pang-Pasko?

24 days na lang, Pasko na! Ano man ang paborito mong simbolo ng Pasko, sana’y maghatid ng kasiyahan sa puso mo tuwing makikita mo yun. Maligayang Pasko sa ‘yo! 🙂

About Publisher

JR Cantos is the Publisher of WOWBatangas.com. Some of the articles here on the website have been contributed over the years, so please just email us at help (at) wowbatangas.com if you have any concerns. Salamat!

Check Also

“Catch Me I’m Falling Project” Mitigates Water Shortage in Alitagtag Public School

Through the efforts of Alitagtag Local Water Utilities Administration Chairman Mr. Ronnie Ong, its board …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.