Pasukan na naman! Tapos na ang mahabang bakasyon ng mga estudyante. Magsisimula na naman ang higit 10 buwan na gugugulin ng mga magaaral sa paaralan. Ngayong araw ay nagsimula na ang pasukan sa mga pampublikong paaralan. Mayroong sabik na pumasok sa paaralan, mayroon din namang ilan na malamang ay tinatamad pa. Kailangan nang gumising ng maaga, mag-aral sa gabi, gumawa ng mga proyekto at marami pang iba.
Ang mga magulang ay siguradong naghahanda na ng mga kagamitan para sa kanilang mga estudyante. Kasabay ng darating na pasukan ay ang tag-ulan. Pero nitong nagdaang weekend ay sobrang init ng panahon. At ito ang mas lalo pa nating paghandaan, ang pabago-bagong panahon na mas nakakapagpasakit sa atin.
Mahirap para sa mga mag-aaral ang ganitong panahon. Maaring magkasakit ang mga mag-aaral o ang kahit na sino kapag hindi tayo nag-ingat.
Makabubuti kung sa paghahanda natin para sa pasukan ay ganun din tayo sa paghahanda para sa tag-ulan at nang makaiwas sa mga sakit na dulot nito.
Upang maprotektahan ang mga mag-aaral o ang ating sarili sa kahit anong sakit ngayong tag-ulan, narito ang ilang paraan upang maiwasan ang anu mang sakit dulot ng tag-ulan.
1. Huwag kalimutang pabaunan ang mga mag-aaral (o maging tayo) ng payong, kapote, o jacket. Makatutulong ito upang proteksyunan sila sa ulan na nagdudulot ng sipon, ubo, lagnat atbp.
2. Huwag alisin ang mga masusustansyang pagkain sa inyong hapag-kainan. Siguraduhing balanse ang mga pagkaing kanilang kakainin at may sapat na sustansyang kanilang kailangan. Nakatutulong ito sa pagpapalakas ng resistensya.
3. Bitamina. kumunsulta sa inyong mga doctor para sa mga bitaminang nararapat sa iyo o iyong mga anak. Mahalaga ito para mapanatiling malusog ang katawan at protektado sa anumang sakit.
4. Panatilihing malinis ang inyong kapaligiran. Sa tuwing sasapit ang tag-ulan, nariyan din ang sakit na “dengue”. Mahalaga ang paglilinis ng ating kapaligiran upang maiwasan ang sakit na ito sapagkat pinamamahayan ng mga lamok na nagdudulot ng “dengue” ang maruruming lugar.
5. Panatilihing malinis ang inyong katawan. Ilan lang ang mga ito sa mga dapat nating tandaan upang maiwasan natin ang pagkakaroon ng sakit lalo na ang mga estudyante ngayong darating na pasukan at tag-ulan.
Naway maging maganda ang taong ito para sa mga estudyante at maging ligtas sa kahit anong sakit.