Apaw ang mga gintong kasuotan sa parada kahapon sa pagdiriwang ng Ika-50 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Lungsod ng Batangas na binigyang tema “Kariktan at 50”, Hulyo 23.
Sa isang panayam kay Eduardo Borbon ng City Investment and Tourism Office, sabi niya, “Ang [Batangas] city ay parang isang babae, na sabi nila ay usually 16, 18 [years old] ang kagandahan niya, [o] ang kariktan niya. Pero nakita namin, na ang [Batangas] city, noong 16, 18, nitong 20, 25 [years old], ay hindi pa ganitong kaganda. Pero kung titingnan mo ngayon na 50 years old na ang Batangas city, ito so far ang pinakamaganda na at sukdulan ng kariktan ng Batangas city.”
Dagdag ni Borbon na ang lungsod ng Batangas ay isang napakaunlad na lugal, modernisado at urbanisado, pero higit sa lahat ay ang yamang-lahi na minana mula sa mga ninunong Batangueño ang nagbibigay kaibahan dito tulad ng taunang pagdidiwang ng Sublian Festival.
Nilunsad din ngayong taon ang opisyal na streetdance music ng Subli na mula sa pinagsama-samang tunog ng Subli ng Talumpok, Sinala, Agoncillo, at ng modernong bersyon nito. Sinayaw ito ng mga kalahok sa parada mula sa Provincial Capitol Site ng Batangas patungong kalye ng P.Burgos at sa harap ng munisipyo.
Suma-total, sinabi ni Borbon na inaasahan na hindi natatapos sa Sublian Festival ang yaman ng lalawigan ng Batangas kung hindi ay ang pagpapatuloy ng mga tao sa mga minanang kultura at tradisyon ng Batangas para pag-ibayuhing buhayin pa ito.
Photos by Edison Manalo