Breaking News

Ang Pinoy sa Pagsalubong ng Bagong Taon

Paano nagdiriwang ng pagsalubong sa Bagong Taon ang mga Pilipino? Ah, maingay. Mausok. Masaya.

Tuwing umaga ng Enero 1, mistulang may kakatapos lamang na giyera sa bawat kalye dahil sa mga paputok at kung ano pang pailaw at paingay na nagkalat matapos salubungin ang Bagong Taon.

Nakaugalian na saan mang parte ng daigdig ang pagsisindi ng firecrackers at fireworks at paglikha ng anumang ingay dahil sa paniniwalang ito ang paraan para itaboy ang malas at masasamang espiritu.

Ano pa ang ibang nakaugalian n’yong gawin sa pagsalubong sa Bagong Taon?

Dapat ka daw magsuot ng damit na may polka dots dahil ang bilog ay swerte sa bagong taon at ito ay sumisimbolo sa pera. Hindi kaya mas magandang damit na may rectangular pattern na lang para hugis ng perang papel at hindi barya ang sinisimbolo?

Maglagay ng pera sa bulsa para sa isang masaganang bagong taon. Siguraduhin lang na walang butas ang bulsa ha.

Bayaran ang mga utang bago matapos ang taon. Maging malaya sa mga utang sa pagsalubong sa 2014.

Dapat bukas ang lahat ng bintana at pintuan. Siguraduhin lang na walang makakasalising akyat-bahay.

Filipino New Year TraditionsTuwing Media Noche, nagluluto ng pasta o pancit dahil sa paniniwalang simbolo ito ng mahabang buhay. Naghahain rin ng malagkit (palitaw, sinukmani, biko, at iba pa) dahil ito raw ang magdidikit pang lalo sa bawat miyembro ng pamilya.

Bukod pa diyan, isang hindi nakakaligtaang tradisyon nating mga Pilipino ay ang paghahain ng 12 uri ng bilog na prutas para sa isang maswerte at masaganang Bagong Taon. Kung minsan ay hindi naman talaga bilog pero ipinipilit na isama basta ang prutas ay walang kanto.

Ginagawa lahat ito ng aming pamilya. Ang tatay ko ang laging lumilibot sa buong bahay hawak ang kawali at kung anong pamukpok at s’yang nag-iingay sa bahay. Ang nanay ko naman ay laging binibilin ang pagpupuno ng mga lalagyan ng asukal, asin, at bigas at isang baso para naman sa barya. Habang ang kapatid ko naman ay partikular sa pagsusuot naming lahat ng pulang damit.

Pero higit sa lahat, ‘wag nating kalimutang magpasalamat sa Diyos na S’yang nagbibigay sa atin ng mga biyaya taon-taon. At kung sakaling kayo ay may New Year’s resolutions, tuparin ang mga ito para sa mas mapabuti ang iyong sarili at iyong buhay.

Ganito ang aming Bagong Taon. Ang sa inyo ga?

About Publisher

JR Cantos is the Publisher of WOWBatangas.com. Some of the articles here on the website have been contributed over the years, so please just email us at help (at) wowbatangas.com if you have any concerns. Salamat!

Check Also

“Catch Me I’m Falling Project” Mitigates Water Shortage in Alitagtag Public School

Through the efforts of Alitagtag Local Water Utilities Administration Chairman Mr. Ronnie Ong, its board …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.