I.N.R.I. stands for “Iesus Christus Rex Iudeorum” which means Jesus Christ King of the Jews. The small placard on the cross where Jesus was hanging was meant to mock Him as He was nailed to die. But the people who placed the inscription did not know that what they were posting was the plain truth. As a matter of fact Jesus is King not only of the Jews but of the universe.
Subalit iba Siyang Hari. Ang trono niya ay ang krus. Ang korona Niya ay tinik. Ang kapa Niya ay sugat at dugo. Ang setro Niya ay pako. Ang halimbawa Niya ay paglilingkod at hindi Siya ang paglingkuran. Ang kapangyarihan Niya ay hindi armas at mga kawal kundi kababaan at pagmamahal.
Nasasakop ka ba Niya, kapatid? Kung natatanggap mo ang maraming mga krus at pako at koronang tinik ng buhay, kasama ka Niya at Hari mo Siya. Kung nagagawa mong magmahal nang may pagpapakumbaba sa kabila ng maraming mga sugat na dulot nito sa iyong sarili, Siya na nga ang iyong Hari. Kung nagsimula ka nang magbago matapos kang magkamali; kung nagsisisi ka na sa mga nagawa mong kasalanan; kung itinutuwid mo na ang mga baluktot mong asal at pag-uugali, Siya na nga ang iyong Hari. At kung nagpapasya ka nang magbago ngayon at hindi bukas pa, Siya na ang nakakasakop sa iyo.
Bumaba ka na sa trono ng puso mo. Isuko mo na ang luklukan sa Kanya. Siya na ang iluklok mo sa tronong iyan. Hayaan mo nang Siya ang magpatakbo ng buhay mo. Ipagkatiwala at italaga mo ang kinabukasan mo sa Kanya. Sa gayon, Siya’y magkakaroon ng pagkakataon ng maging Hari ng buhay mo.