Noong kabilang linggo, bago pa man maging maulap ang kalangitan ay nakapag muni-muni kami sa diyan sa may Balete, Batangas upang subukan abutan ang mga nag-aahon ng mga isda mula sa pampang ng lawa ng Taal.
Alas-singko pa lamang ay pumulas na ako kasama si Sir Joel Mataro, isa sa mga pinakamahusay na Street Photographer ng Batangas upang magtungo sa Balete at saktong sakto ang aming dating dahil kasalukuyang abala sa pampublikong palengke at nag aahon na ng mga isda. Ngunit mas napukaw kaming maglakad lakad patungong Brgy Looc dahil sa dami ng mga nangyayari sa tabing lawa at naisip namin na pwede pa kaming bumalik muli para kunan ng larawan ang mga nag aahon ng isda.
Sadyang nakakatuwang pagmasdan ang aming mga nadatnan dahil dine mo maiisip kung bakit kahit anong ating gawin ay mas gugustuhin pa din nating balikan ang ating simpleng buhay sa probinsya.
Paano pumunta ng Balete, Batangas :
- Mula Tambo Exit ay maari kang sumakay ng byaheng Lipa at bumaba sa may Robinson’s Place Lipa.
- Mula Robinson’s Place Lipa ay sasakay ka naman ng Jeepney na byaheng Tanauan at magpababa sa kanto ng Levitown.
- Maglakad lamang ng bahagya patungong palengke at hanapin ang sakayan patungong bayan ng Balete.
Oras na mainam pumunta:
- Magandang pumunta dito ng bandang alas 5:00 hanggang 5:30 ng umaga upang maabutan mo ang pag-aahon ng isda mula sa mga bangka.
- Isa pa sa mga dinarayo dito ang ginintuang takip-silim sa hapon.