Breaking News

Mt. Malarayat, Malaki ang potensyal para maging Birdwatching site

Ginalugad ng grupong Wild Bird Club of the Philippines (WBCP) ang Bundok Malarayat dito sa lungsod ng Lipa nitong ika-5 hanggang ika-6 ng Hunyo upang alamin ang mga uri ng ibon na naninirahan pa sa naturang bundok.

Sa loob ng dalawang araw na pagmamatyag, umabot sa 48 uri ng ibon ang nakita ng WBCP sa Brgy. Talisay at sa Sityo Pasingahan ng Brgy. Sto. Niño, Lipa City.

Tunay na hindi nabigo ang grupo at sa katunayan, sa unang araw pa lamang ng kanilang pag-akyat, 14 na mga ibon ang agad nakita at naitala sa dalawang oras at kalahating pagmamatyag. Samantala, umabot naman sa 34 pa ang nasaksihan sa pangalawa at huling araw.

Ayon sa ulat ng Balikas, ito ang ilan sa mga ibon na nakita ng grupong WBCP: Zebra Dove o kalapating gubat, kasay-kasay, tariktik, Luzon bleeding heart, balikasyaw, payugyog, sabukot at labuyo o junglefowl.

Samantala, ayon kay G. Rolly Urriza, isang Ornithologist ng National Museum of the Philippines, malaki ang potensyal na maging birdwatching site ng Bundok Malarayat. Si Urriza ay isa sa apat na eksperto na nagsagawa ng siyam araw na pananaliksik sa mga buhay-ilang sa Bundok ng Malarayat noong nakaraang taon.

Dagdag pa niya, “Kumpara sa ibang bundok na sa mataas pang bahagi makakakita ng ibon, sa Malarayat, sa taas pa lang na 600 talampakan (mula sa ibabaw ng dagat) ay may makikita nang tariktik at manuk-manok, mga uri ng ibong mahirap matagpuan at bihirang magpakita.”

Kung nais na mag-birdwatching sa Brgy. Sto. Niño, ang layo ng bundok ng Malarayat mula sa sentro ng Lungsod ng Lipa ay tinatayang nasa pitong kilometro lamang.

Samantala, matapos ang birdwatching ay nagpa-hayag ng ilang obserbasyon ang WBCP sa mga opisyal ng barangay ng Sto. Niño, ito ay ang mga kalat sa mga daanan pababa at paakyat ng Bundok Malarayat.

Paliwanag ni Eleno Mea, kapitan ng Brgy. Sto. Niño, ang mga basura ay iniwan umano ng mga dayong umakyat ng bundok noong nagdaang bakasyon.

Ipinayo rin ng grupong WBCP na ipagpatuloy ng barangay ang pagtatala ng bawat bagong uring ibong nakikita sa bundok. Katulad anila ng Candaba swamp sa Pampanga, ang bundok Malarayat ay magiging ekoturismo rin sa bird watching kapag maraming iba’t ibang uri ng ibon ang maaaring dayuhin ng mga watcher.

Hiniling naman ni Alice Bosita, birdwatcher ng Lipa, na magkaroon ng sariling daan at magandang posisyon ang barangay para sa mga nais na mag-birdwatching sa Malarayat.

Gayunpaman, muling inanyayahan ni Kap. Mea ang WBCP na bumalik sa buwan ng Agosto o Setyembre. Aniya, ito ang mga buwan na naglalabasan ang maraming ibon dahil panahon ito ng pamumunga ng prutas sa bundok.

Ayon sa website na www.onecaribbean.org, tinatayang aabot sa tatlong milyong turista sa buong mundo kada taon ang naglalakbay upang dumayo ng birdwatching sa mga bansang pamoso. Sa bansang Amerika pa lamang umano ay tinatayang aabot sa 2.5 bilyong dolyar bawat taon ang ginugugol sa pagbi-birdwatching at 500 milyong dolyar naman ang nagagastos ng mga birdwatcher ng bansang United Kingdom.

source: Balikas Online

About Publisher

JR Cantos is the Publisher of WOWBatangas.com. Some of the articles here on the website have been contributed over the years, so please just email us at help (at) wowbatangas.com if you have any concerns. Salamat!

Check Also

DOST’s Hack4AProgress Summons Student Software Developers, Promotes Collaboration among Education, Industry and Government

The Department of Science and Technology (DOST), through its Hack4aProgress Contest, invited all tech experts, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.