Ayon sa demograpiya ng Pamahalaang Turismo (Office of Tourism) ng Cuenca, Batangas, mahigit 69,000 na turista ang nakaapak sa nasabing bayan noong 2018. Sa kalakhan ng numero, ipinahayag ni Noemie Lunar, tourism officer, na pangangalagaan nila ang bilang na naitala pero sa ngayon ay hindi ito ang pagdidiinang pansin nila.
“Naka-focus kami ngayon sa cultural property, kasaysayan muna, kasi nag-start kami rito sa tourism noong June 1, 2018 at naging layunin talaga namin na unahin ang kasaysayan ng bayan, saan ito nagsimula, sino ang mga local heroes, mga naunang produkto at iba pa,” ika ni Lunar.
Kasama ang iba pang may layunin katulad niya, nabuo ang samahang Rolling Peans na misyong buhayin sa edukasyon ng mga Cuenqueño ang kahalagahan ng pagkilala sa mga bayani ng kanilang bayan. Dalawa sa mga na-develop na bilang maikling lokal na pelikula ng Cuenca ay tungkol sa mga bayaning sina Col. Pedro Pasia at Briccio Pantas.
Lalo pa naman pinagpapalalim ang pagsisiyasat sa mga kwentong bayan ng Cuenca tulad ng Gintong Toro na nakikita raw noon sa Mt. Maculot at ang mga diwata at engkantong naninirahan doon.
May mga plano rin na nakalaan para sa pagbubuhay muli ng Tinapayan Festival para mas mapahusay ang kultura at produktong panturismo ng nabansagang bayan na “Home of the Bakers.”
Dagdag sa panayam ni Rodericko Cuevas, researcher at direktor ng Rolling PEANS, “Nakakalungkot na maging ang ating mga estudyante sa kasalukuyan ay hindi kilala ang mga taong ito subalit malaki ang ginampanan para sa paglaya ng bayan ng Cuenca. Kung kaya naman bilang isang Cuenqueño, sa pamamagitan ng aming grupong Rolling PEANS, amin talagang isinusulong na maipakilala ang ating mga bayani na hindi man napatala sa ating kasaysayan.”