Bukod sa mga kandidata ng Foundation Week pageant ng Lobo,mayroon ding titulo na pinagtatagisan para naman sa kulturang Loboeño, ang Anihan Festival Queen na ginanap ngayong taon noong Setyembre 25.
Ang cultural showdown ay ginanap sa Lobo Plaza na sinalihan ng mga junior at senior high school na mag-aaral na kumatawan sa apat na contingents na sumisimbolo sa iba’t ibang kultura sa kasaysayan ng Lobo.
Kinatawan ng Malapad na Parang National High School ang Tribung Hasik-Uhay na nag-uwi ng titulong Anihan Festival Queen sa katauhan ni Louenica Biacora na naparangalan ding Best in Production Number, at Best Festival Costume sa disenyo ni Jayson Belarmino.
Inuwi naman ng Tribu Mamumute mula sa Lobo Senior High School ang mga parangal na Best in Festival Costume at Best in Solo Performance na ginanapan ni Beatriz Ambayec. Tribu Sinagkulay naman ang nakasungkit ng Best in Group Performance na pinagbidahan ng mga mag-aaral ng Masaguitsit National High School at ng kanilang reynang si Eloisa Jean Dimaano.
Ang kamakailang selebrasyon ng Anihan Festival Queen ay nasa ikalawang taon pa lamang at marami pang plano ang Pamahalaan ng Lobo para mas pagandahin ito.
“Ngayon, apat pa lang ang ating contingents pero next year sisikapin pa namin na lahat ng high school at senior high [sa Lobo] ay sumali,” sabi ni Rowena Anyayahan, co-chairperson ng Anihan Festival Queen.
Ang mga pasigabong selebrasyon sa Anihan Festival ay pagpapatibay din ng lokal na pamahalaan ng Lobo ng kultura at tradisyon nito na paghahanda sa opisyal na titulong Anihan Festival Municipality na beberepikahin ng National Commission for Culture and Arts.
“Later on, ay sasali tayo sa Aliwan Festival kapag na-mark na si Lobo as Atis Capital of the Philippines at kailangan natin ma-recognize sa NCAA as Anihan Festival Municipality,” dagdag ni Anyayahan sa panayam.
Photos by Ryan Tibayan and Kristian Mendoza