PROVINCIAL INFORMATION OFFICE
NEWS RELEASE January 25, 2011
PLEASE REFER TO MS. GINETTE SEGISMUNDO TEL: (043)980-5206
Lokal na opisyal ng Batangas sumailalim sa Seminar ukol sa Crisis Management
Batangas City – Isinailalim ng PNP Regional Police Office 4A kasama ng Provincial Government of Batangas ang mga local chief executives ng mga bayan sa probinsya sa Seminar on Interim Rules on Crisis Management noong ika-24 ng Enero 2011.
Dumalo sa okasyon si Batangas Governor Vilma Santos Recto kasama ang mga lokal na opisyal at pamunuan ng mga ahensyang nasyunal sa Batangas.
Pinangunahan ni Police Regional Director for CALABARZON, Police Chief Superintendent, Samuel D. Pagdilao Jr., ang pamunuan ng PNP CALABARZON kasama ang mga eksperto mula sa ibat ibang PNP command sa pagbibigay ng seminar briefing ukol sa kahandaan sa oras ng krisis.
Bunsod ng kaganapan sa Quirino Grandstand hostage taking noong nakaraang taon, binigyang-halaga ni Governor Santos Recto ang pagbuo ng Provincial Crisis Committee na magbibigay ng designasyon at tungkulin sa mga opisyal ng lalawigan bilang pangunahing tagapangalaga sa kapakanan ng sambayanang Batangueño.
“Bilang kaisa sa programang pangkapayapaan at kaayusan sa lalawigan, mahalaga sa bawat opisyal ang kaalaman sa interim rules on crisis management upang epektibong maipatupad ang inyong tungkulin, maibigay ang mga tamang desisyon sa oras ng krisis, at maiwasan ang mga katulad na insidenteng nagresulta sa pagkawala ng buhay ng mga inosente at sisihan” sambit ng Gobernadora.
Partikular na tinalakay sa pagpupulong ang mga polisiya sa hostage taking situation na kinapalooban ng effective hostage incident management sa larangan ng negosasyon, media protocol at police operations na ibinahagi nina PSupt. Rodney Y Ramirez, DZMM reporter Noel Alamar, at Special Weapons and Tactics Chief, P/SINP. Alfie Salang.
Layunin ng programang ito na bigyan ng sapat na kaalaman at kahandaan ang mga pinuno ng bayan partikular ang mayor at local community police chiefs sa kanilang mga gagampang responsibilidad sa oras na dumating ang mga ganitong sitwasyon sa kanilang nasasakupan. /Edwin V. Zabarte/BatangasPIO/