Nagkaisa tayo sa paglaban sa dengue. Ngayong idineklara naman na malaria-free ang Batangas, sana’y patuloy pa rin nating gawin ang ating makakaya upang proteksyonan ang bawa’t isa sa anumang malubhang sakit na maaring makaapekto sa kalusugan at kaligtasan ng mga Batangenyo.
PROVINCIAL INFORMATION OFFICE
NEWS RELEASE November 17, 2010
Batangas: Malaria-Free Province
Batangas City – Binigyang-distinksyon ng Department of Health (DOH) ang lalawigan ng Batangas sa larangan ng programang pangkalusugan nang ideklara itong Malaria-Free Province para sa taong 2010.
Ang deklarasyon ay isinagawa sa pamamagitan ng isang programa noong ika-15 ng Nobyembre na kinatampukan ng unveiling ng Malaria Free Marker na personal na ginampanan nina DOH Secretary Dr. Enrique Ona at Batangas Governor Vilma Santos Recto na nagpapatunay na non-existent sa lalawigan ang nasabing nakamamatay na sakit.
Ipinarating ni Secretary Ona ang komendasyon at pagbati sa mga naging kabalikat ng DOH partikular sa Batangas Provincial Health Office na siyang tumutok at nagsagawa ng programa upang mapawi sa lalawigan ang sakit na malaria. Binigyang-pagkilala at rekognisyon din ang 31 munisipyo at tatlong siyudad ng lalawigan sa pakikiisa nito sa programa laban sa malaria.
Sa presentasyong isinagawa ni Provincial Health Office Chief Rosvilinda Ozaeta, ipinakita ang tuluy-tuloy na programa para sa iradikasyon ng malaria sa lalawigan.
Ilan sa mga ito ang pakikipag-ugnayan nito sa Local Health Units ng mga munisipyo na siyang katuwang nito sa pagpapatupad ng programa laban sa nakamamatay na sakit; pagpapakalat ng impormasyon at pagbibigay-kaalaman sa komunidad ng sanhi at dulot ng malaria; pagtatalaga ng Malaria Disease personnel na tumututok at nagpapaganap ng mga hakbang tulad ng pagpapakalat ng larvaecides na pumupuksa sa lamok na may dala ng nasabing sakit.
Sa masusing pagtutok at implementasyon ng programa laban sa malaria sa nakalipas na sampung taon, nakamtam ng lalawigan ang zero incidence o walang naitalang insidente ng sakit na ito na naging daan upang maideklarang Malaria-Free ang Batangas.
Hinikayat ni Governor Vi ang mga mga Batangueño, partikular sa mga nasa hanay ng programang pangkalusugan, na pag-ibayuhin ang pagpapatupad ng programa laban sa malaria upang hindi na ito muling makapaminsala sa lalawigan.
Nagbigay-paalaala din ito na magsagawa ng tamang paraan tulad ng paglilinis sa komunidad. “Tulad ng paglaban natin sa dengue, isang epektibong paraan sa pagkawala ng sakit na malaria ay kalinisan. Panatilihing malinis ang paligid, linisin ang mga estero at huwag balewalain ang pagtatapon ng basura kung saan-saan dahil dito nanahan ang mga insektong may dala ng malaria,” pagtatapos ni Governor Vi.
/Edwin V. Zabarte/PIO