Breaking News

HILING NG MGA BAKWIT – TRABAHO, TIRAHAN at PANGGASTOS

Bulkan at Lawa ng Taal – Ang Puso ng Batangas na nagbibigay ng kabuhayan sa maraming Batangenyo, Ngayo’y umuusok at nagpupuyos sa galit. 

Nagulantang ang lahat sa bagong karanasang ito kahit alam naman natin na anumang oras ay pwede talaga itong sumabog.

Dalawang linggo na rin ang lilipas at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin natutuldukan ang pangamba ng mga Pilipino dahil sa panganib ng mas malaking pagsabog ng bulkan.

Samantala, maraming Batangenyo ang ngayo’y palipat-lipat ng Evacuation Center at hindi pa rin natatanggap na wala na silang babalikang bahay, o kaya nama’y hindi na pababalikin sa kanilang mga bayan.

Maganda ang plano ng gobyerno, marahil bukas nga sa kanilang mga puso at isipan ang pagtulong. 

Patuloy din ang dating ng mga donasyon at di na namin mabilang ang mga tao at grupong nakausap na gustong magbigay ng kanilang makakaya. 

Ang mga bakwit, pilit pinapasaya at inaaliw ang mga sarili sa huntahan, kwentuhan at kung anu-ano pang pwedeng pagka-abalahan sa umaga. 

Pagsapit ng gabi, tatahimik ng kaunti ang Evacuation Center na sa tunay ay isang basketball court.

Biglang may isang sanggol na iiyak. Hindi na naman makakatulog ang marami.

Ang mga bata, nakahiga sa sahig na pinatungan ng ilang karton ng gatas. Giniginaw, binabanas.  

Ang mga kababaihan, walang mapaglagyan ng kanilang sarili maliban sa kumot. 

Tanong ng karamihan – Paano Kami Bukas?

Nakangiti kahit pagod ang mga volunteers. 

Malaking responsibilidad ang pagpapakain at pagpapatuloy ng libo-libong bakwit. Sa aming panayam, marami sa mga bakwit ay kaya namang magtrabaho. Kailangan lang matulungan dahil bagong salta sa lugar.

Iniisip nila kung saan pwedeng iwan ng ligtas ang kanilang mga anak at kasamang matatanda.

Baka mamaya, ilipat na naman sila ng Evacuation Center.

Naka-lockdown na rin ang karamihan sa mga bayan na nakapalibot sa Lawa ng Taal. Ngunit hindi pinag-uusapan ang mas maalmang lockdown ng mga bulsa ng bakwit. 

Ang karamihan, walang-wala ng mabubunot. Gustong makapagsimula muli, mangupahan, maghanapbuhay, pero mas malakas ang agos ng mga relief goods at pangakong tulong na pilit silang tinatangay.

Hanggang kailan?

Garne ang ginagawa namin dine sa WOWBatangas – Kinakausap namin ang mga pamilya na nasa Evacuation Centers. Humahanap kami ng mga kwarto, apartment at bahay na pwedeng lipatan ng may kakayahan. Ang mga cash donations na natanggap namin ay ibinibigay namin sa kanila bilang pang-ayuda sa renta, pamasahe sa trabaho, o kaya naman ay mapanumbalik ang dating sigasig sa pagne negosyo. 

Kailangan namin ang tulong ninyo. Kung kayo ay nasa malayo, pwede kayong magpadala ng cash donations. Kung kayo naman ay nasa bayan na may Evacuation Centers, tulungan nyo kaming makahanap ng mga bahay na pwedeng lipatan pansamantala. Kung may alam kayong trabaho na pwede sa mga bakwit ay ipagbigay alam lang sa amin.  

Cash Donations thru WOWBatangas – Updated Daily
http://bit.ly/cashdonationsbatangas

Rooms, Resorts, Hotels and House Accommodations in Safer Places in Batangas – Updated Regularly
http://bit.ly/saferoomsbatangas

Marami pong salamat,
JR Cantos
Publisher, WOWBatangas.com

About Lead Editor

Edison Manalo is the Lead Editor of WOWBatangas.

Check Also

“Catch Me I’m Falling Project” Mitigates Water Shortage in Alitagtag Public School

Through the efforts of Alitagtag Local Water Utilities Administration Chairman Mr. Ronnie Ong, its board …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.