Breaking News

PAGKAKAISA – Diwa ng Parada ng Lechon 2019

Panuodin dine ang aming vlog ukol sa Parada ng Lechon 2019

Halos 60 taon na nang opisyal na kupkupin ng Hermandad San Juan Bautista ang responsibilidad nang pamumuno sa pagsasagawa ng Parada ng Lechon sa Balayan, Batangas. Lingid sa kaalaman ng marami, naniniwala silang mas matagal pa ang pinagsimulan ng Parada ng Lechon.

Ayon sa mga panayam sa magkakahiwalay na interviews nina Raymund Dela Vega, konsehal ng bayan at dating municipal tourism officer ng Balayan, Jan Ener Maningat, kasalukuyang Municipal Tourism Officer, Meldos Castelo, dating bise mayor ng Balayan at dati rin pangulo ng Hermandad San Juan Bautista, at Eileen Ermita-Buhain, kongresista ng unang distrito ng lalawigan, nagsimula raw ang pagpaparada ng lechon sa kanlurang bahagi ng kanilang bayan mula sa isang di na nakilalang pamilya.

Noon, nahahati ng estado sa buhay ang mga taga-Balayan: sa Silangan nakatira ang mga ilustrado o mayayaman na pamilya, at sa kanluran ay ang mga masisipag na timawa ng bayan. Iilan lamang noon ang nakapagpapaaral at tapos ng kolehiyo kaya may isang pamilya sa kanluran ang nangako na makapagtapos lamang ang anak nila ng kolehiyo ay magpapalitson sila.

Hindi kalaunan ay napagtapos ng pamilya ang kanilang anak at nagpalitson sila. Sa kasiyahan ay binitbit nila ang lechon patungo sa dalampasigan ng Balayan at sinundan din sila ng mga tao para makipagdiwang.

“Noon kasi ang nagsisilbing hati raw ng bayan ay ang simbahan. Sa kasiyahan, inilakad din noon ang lechon lampas sa linyang naghahati sa dalawang poblacion [Kanluran at Silangan] kasi napakalaking bagay na nakapagpatapos sila sa kolehiyo at konting pagmamayabang na rin siguro sa mga taga-Silangan na marahil matapobre noon,” kwento ni Castelo.

Taon-taon ay gumaya na rin ang ibang mamamayan ng Kanluran hanggang sa natutunan na rin ng mga taga-Silangan ang pakikisaya. Ang noon na pagpaparada ng lechon ay sumimbolo na rin sa pasasalamat sa noon pa man ay patron na nilang si San Juan Bautista.

Sa kasalukuyan, mahahalintulad ang haba ng parada sa hinaba-haba rin ng tagumpay at kasaysayan sa pag-unlad ng Lechon Festival na nagmula pala sa isang simpleng pasasalamat na marahil ay may kaunting timpla na rin ng kayabangan. Pero lingid sa kasiyahan ay ang naging kakayahan ng Parada ng Lechon na pagkaisahin ang noon ay magkahiwalay na Poblacion ng Balayan.

Pagiging praktikal ang isa sa pinaka kapayo-payong pamumuhay para makatipid. Pero sa pista ng Balayan, hindi nito iniinda ang init ng panahon o kasalatan sa tubig bunga ng El Niño, bagkus, buhay na buhay ang pista sa diwa ng pagkakaisa at pasasalamat na alay sa Maykapal.

Photos by Edison Manalo

About Associate Editor

Edge An is the Associate Editor of WOWBatangas.com. If you have any concerns, reach him through his email editor@likhainternet.com

Check Also

Super Health Center Rises In Taysan, Batangas

Senator Christopher Lawrence “Bong” Go, DOH ASec Dr. Ariel I. Valencia, and Taysan, Batangas Mayor …

2 comments

  1. Late 50’s nagsimula ang unang parada ng Lechon. I remember dahil nasa elementary pa ako noon. Before that basaan lang after ng Misa tapos sa hapon ay karera ng bisikleta. How I miss those days! Doon kami nakatira sa Kalye sa harap ng simbahan, sa Dam Ballelos ba yon? Before the fire that burned the old market. Totoo yong hati ng Balayan sa Silangan at Kanluran. Sa gitna kami nakatira kaya neutral lang kami? Simple lang ang celebration noon pero ang saya. At least tuloy pa rin ang celebration ngayon, nakilala ang Balayan.

    • Nakakatuwa po ang pagkakaisa ng mga mamamayan upang suportahan ang mga ganitong klaseng tradisyon. Tunay na isa sa mga pinakamasayang festivals na napuntahan namin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.