Below are the details of President Gloria Macapagal-Arroyo’s visit here in Batangas on Monday, Feb. 8, 2010.
PRESS RELEASE
Public Information Office
February 10, 2010Upang maipaalam sa publiko ang kanyang “legacy of accomplishment” bago magtapos ang kanyang termino, inilunsad ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa Batangas City noong February 8 ang kanyang Urban Luzon Beltway (ULB) tour kung saan binisita niya ang kanyang road network project at iba pang infrastructure investment.
Ang ULB ang isa sa limang Super Regions program ni Arroyo na naglalayong mapalawak ang kaunlaran palayo sa concentration nito sa Manila patungo sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Ang iba pang Super Regions program ay ang North Luzon Agribusiness Quadrangle, Tourism Central Philippines, Agribusiness Mindanao at ang Cyber Corridor.
Idinaos ang launching program sa University of Batangas kung saan tinanggap siya ng dating Justice Secretary at UB President Hernando Perez. Sinabi niya sa kanyang mensahe ang malaking papel ng Batangas Port sa ekonomiya ng bansa at ang halaga ng patuloy na kaunlaran ng CALABARZON upang ma decongest ang Manila.
Dumalo rin dito sina Vice President Noli de Castro, DOTC Secretary Leandro Mendoza, DPWH, Press Secretary Jun Icban, Congressman Hermilando Mandanas, 4th District Representative Dong Mendoza, Mayor Eduardo Dimacuha at ULB Super Region Champion Edgardo Pamintuan.
Mula sa UB nagtungo si Pangulong Arroyo at ang kanyang grupo kasama ang mga media workers sa Batangas Port upang makita ang natapos ng Phase 1 o ang domestic area at ang Phase 11 o international area ng Batangas Port Development Project. Binigyan din siya ng briefing ng mga Philippine Ports Authority officials tungkol sa progress ng port.
Kaalinsabay nito ay ang People’s Government Mobile Action o PGMA Caravan na isinagawa sa port kung saan may 2000 residente ng Barangay Sta Clara, Bolbok, Cuta, Wawa, Calicanto at Malitam ang nabiyayaan ng bag of groceries at libreng medical check up. Ito ay pinangasiwaan ng Provincial at City Social Welfare and Development Offices. Narito din ang ibat-ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng TESDA, National Statistics, DOLE, Philhealth at iba pa upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan.
Pagkatapos ng pagbisita sa Batangas Port, dumeretso na ang Pangulo sa kanyang tour ng 42-kilometer Southern Tagalog Arterial Road o STAR project patungong Lipa City hanggang Sto. Tomas, Batangas para sa inspeksyon ng on-going construction na kumukunekta ng STAR sa South Luzon Expressway o SLEX.
Ayon kay Pangulong Arroyo, inaasahang matatapos ngayong Marso o April ang nasabing proyekto.
Ayon sa presidente ng SLEX na si Isaac David, magiging isang oras na lamang ang biyahe mula sa Batangas City papuntang Makati kapag nabuksan na ang STAR-SLEX tollway.Magugunita na ang STAR Tollway I, mula Santo Tomas patungong Lipa City ay binuksan sa mga motorista noong 2001 at ang STAR Tollway II naman mula Lipa City patungong Batangas City Port ay binuksan noong 2008. (Ronna Endaya Contreras, PIO Batangas City)