San Nicolas Batangas | Enero 26, 2020
Isang magandang balita ang bumungad noong araw ng linggo, ika 26 ng Enero, 2020 dahil ibinaba na ng Phivolcs sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal. Dahil doon, pinahintulutan na sa mga piling lugar ang mga tao na magsiuwi at usisain ang kanilang mga ari-arian at kabahayan.
Sakto namang nasa byahe na patungong San Nicolas, Batangas sina Joel Mataro, Jeremy Mendoza, Hero Robles at Jonathan Onte na pawang mga taga Batangas. Sila ay mga miyembro ng Facebook Group na Scott Kelby Batangas na layuning makapag dokumento ng kasaysayan at istorya dine sa Batangas.
Bumungad sa kanila ang pinsalang idinulot ng pagsabog ng bulkan tulad ng makakapal na abo at putik sa mga tahanan, pagguho ng ilan sa mga imprastraktura, bitak sa lupa, mga patay na isda sa dalampasigan at ang pagbabaw ng tubig sa lawa.
Bagaman nakapanlulumo itong makita ay bakas naman sa mukha ng mga bumabalik na mamamayan ng San Nicolas ang saya na muli na silang makababalik sa sari-sariling bahay. May ilan ding agad agad nang dumiretso para ihanda ang kanilang mga fishing nets at muling mangisda. Nahirapan man ng ilang linggo ay handa namang makabangon mula sa sakunang ito at magpatuloy sa buhay.