E ano ba ang kahulugan ng Kalayaan para sa ‘yo?
Taong 1898, itinala sa kasaysayan ng Pilipinas ang deklerasyon ni Emilio Aguinaldo ng kasarinlan ng ating bansa mula sa mga Kastila. Ay gayunpaman, isang siglo nang nakalipas, ang mga pananaw ng bawat Pilipino e nag-iiba base sa mga karanasan, kinamulatang mga paniniwala, at estado ng buhay.
Iilan lamang ang mga taong amin nakapanayam tungkol sa mga opinyon nila ukol sa kasarinlang ating ipinagdidiwang pero ang iba’t ibang anggulo ng kanilang mga nasabi ay nakamumulat diwa.
“Freedom/Kalayaan; independence/kasarinlan.
“Freedom (kalayaan) is one of the greatest gift of God to man. It is our ability to choose what course of actions are we going to take. Ito ang kalayaan nating humusga at pumili kung alin ang tama o maling gawin. Freedom requires appropriate knowledge and consent to choose kung alin ang tama at mali at kung ano ang iyong pipiliing gawin. Ultimately, freedom is our capacity to choose and do good dahil kung nalalaman (knowledge) ng tao ang consequences ng kanyang mga decisions and actions, lagi niyang pipiliing gumawa ng mabuti.
“Ang kasarinlan (sarili) ay ang kakayahan ng isang bansa na magdesisyon nang hindi dinidiktahan o kinocontrol ng iba pang bansa. Independence. We are independent from other nations and we, as a people/nation, decide for ourselves.
“Sa aking palagay, ang dalawang ito ay ginugunita natin tuwing June 12, ang ating kalayaan at kasarinlan.” –Bro. Amiel Joseph Sevilla, OSJ | Theology Student
“Tao. Kalayaan ng buhay ng tao. Kalayaan ng buhay ng hayop. Malayang buhay ng manok. Nakakapaglaro ako. Nakakapagduyan, malayang nakakakain. Tapos nakakaligo din ako sa dagat, [at] swimming pool.” –Carlo Joaquin Hallasgo |Bata, 6 na taong gulang
“Karaparatan at kapangyarihang gawin ang mga bagay na makaimpluwensiya at makapamahagi ng mga kaalaman at karanasang makatutulong sa pagpapaunlad o paglago ng pagkatao na magagamit bilang kasangkapan tungo sa maunlad na pamayanan.” –Dr. Demetrio Bautista |Guro ng Wikang Filipino
“Bilang isang mag-aaral. ang kahulugan ng kalayaan at kasarinlan sa akin ay ang pagiging bukas sa pagpili ng landas na gusto kong tahakin.
“Lalo na at tayo ay isang bansang demokratiko at tayo ay may karapatang maging bukas sa ating mga saloobin na maaaring makatulong sa pag-unlad ng ating bawat isa at ng bansa.” – John Christian Bagos | Mag-aaral, Batsilyer ng Agham sa Pangkaragatang Paglalayag
“Ang malayang makapaglingkod sa bayan nang walang hinihinging kapalit; ang malayang tumulong sa ating kapwa na walang pinipiling kasarian; ang kalayaang makapagbahagi ng kaalaman sa ating komunidad; ang malayang pakikinig sa mga taong tila ba’y walang nakaririnig. Ang kalayaang makapagbigay ngiti sa mga taong nakararamdam ng pighati, at ang kalayaang magbahagi ng buong pagmamahal sa mga taong ang isipa’y sa kanila’y walang nagmamahal.
“Ilan lang ito sa mga bagay na aking nagawa at patuloy na nagagawa dahil sa kalayaang aking nararanasan. At bilang isang volunteer, ang magbigay ng pag-asa sa mga taong naging biktima ng iba’t-ibang uri ng karahasan, kasamaan, at mga sakuna dito sa ating bansa at maging bahagi ng kani-kanilang buhay ang siyang tunay na kahulugan ng salitang kalayaan para sa akin.” –Darlene Lontok |Volunteer, Philippine Red Cross
“Bilang isang OFW, kalayaan para samin ang pagkakaroon ng karapatan pang tao kahit wala ako sa aking bayang sinilangan at malayo sa pang aabuso, yung alam mong di ka maaagrabyado at alam kong may sasalo sakin sa oras ng kagipitan. Hindi naman lingid sa kaalaman nating lahat na madami pa ring Pilipino ang naabuso sa kanikanilang trabaho, karamihan sa kanila ay nag titiis na lamang at tikom bibig dahil sa takot na madeport o kapag lumaban sila ay sila pa rin ang kawawa. kaya para sakin masasabi kong isa akong malayang OFW dahil naibibigay sa akin ang patas na karapatan” –Barnard Paolo de la Cruz |Overseas Filipino Worker